Kinontra ni Deputy Speaker Janette Garin nitong Biyernes ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na ang panawagan para sa transparency at accountability ay inuudyok ng political interest.
Giit ni Garin, ang impeachment trial ay isang constitutional duty at ang tamang forum para sagutin ni Duterte ang mga alegasyon laban sa kanya.
Sa press conference sa House of Representatives noong July 10, tinanong si Garin tungkol sa pahayag ni Duterte sa Hinatuan, Surigao del Sur, kung saan hinimok umano nito ang mga opisyal na tigilan ang pamumulitika at sinabing ang panawagan para sa transparency at accountability ay dahil sa personal na political interest.
Sinabi ni Garin na hindi niya personal na narinig ang pahayag, pero hindi aniya nito sinasagot ang mga alegasyon sa impeachment case.
“Hindi ko naiintindihan kung saan nanggagaling ang kanyang sinasabing sariling political interest,” sabi ni Garin.
Ayon kay Garin, seryoso ang mga alegasyon sa kaso, kabilang ang umano’y banta laban kay President Ferdinand R. Marcos Jr., sa First Family, at kay dating Speaker Martin Romualdez.
“Hindi po ito pamumulitika dahil kaakibat ng responsibilidad ng isang nahalal na official, lalo’t lalo na you are holding the second-highest position, kaakibat ng mataas na posisyon ay ang responsibilidad at ang accountability,” sabi niya.
Giit ni Garin, hindi tumitigil ang serbisyo publiko dahil may impeachment trial. Patuloy aniya ang trabaho ng Kongreso, Senado, at mga ahensya ng gobyerno habang umuusad ang constitutional process.
“Hindi naman tinitigil ang serbisyo sa taumbayan, patuloy na tumutugon ang gobyerno sa mga pangangailangan, patuloy na gumagalaw ang Kongreso, patuloy na nagtatrabaho ang Senado,” sabi niya.
Sinabi rin ni Garin na hindi pwedeng piliin lamang ng mga opisyal ang trabahong gusto nilang gawin.
“We cannot have selective tasks. Hindi pwede piliin lang natin yung ating trabaho dahil ang ginagawang impeachment trial ay sang-ayon sa Saligang Batas. It is our moral obligation and our moral duty,” sabi niya.
Ayon kay Garin, ang trial ang pinakamainam na venue para kontrahin ni Duterte ang mga paratang at linisin ang kanyang pangalan.
“Pag-usapan natin yung mga alegasyon, it’s the best venue where the Vice President can refute the allegations and clean her name,” sabi niya.
Sinabi naman ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na dapat munang sagutin ni Duterte ang matagal nang mga tanong sa kanya bago akusahan ang iba ng pamumulitika.
“Matagal na rin nag-aantay ang ating mga kababayan na sagutin niya ang issue kung sino si Mary Grace Piattos,” sabi ni Chua.
Giit ni Chua, hinihintay din ng publiko na humarap si Duterte at sagutin ang impeachment allegations.
“Matagal na rin nag-aantay ang ating mga kababayan na siya ay humarap at sagutin niya lahat ng mga alegasyon sa kanya sa impeachment,” sabi niya.
Binanggit din ni Chua ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) transactions na tinalakay sa kaso.
“Matagal na rin nag-aantay ang ating mga kababayan sa sagot niya kung saan nakuha ang transaction na nagkakahalaga ng P6.7 billion na inilabas ng AMLC,” sabi ni Chua.
“Yan ang sagutin niya bago siya magsabi na kami ay namumulitika lamang,” dagdag niya.
Kinontra rin ni House prosecutor Terry Ridon ang pahayag na puro politika lamang ang inuuna ng gobyerno.
“Hindi totoo na consumed by politics lang ang ginagawa ng ating pamahalaan,” sabi ni Ridon.
Ayon kay Ridon, patuloy ang pagtugon ng pamahalaan sa economic at public concerns habang umuusad ang impeachment process.
“May aktwal na pagtugon doon sa mga batayang usapin at tingin ko nakatutok ang pamahalaan sa mga bagay ito,” sabi niya. /Bistado


