Wagi ang dalawang koponan ng Far Eastern University-Diliman (FEU-D) at De La Salle Zobel (DLSZ) sa pagbubukas ng UAAP Season 88 high school 3×3 basketball sa Ayala Malls Manila Bay sa Parañaque City nitong Lunes.
Sa Under-19 kung saan sila ang defending champion, tinambakan ng Baby Tamaraws ang Adamson University Baby Falcons, 22-9.
Pinangunahan nina Marc Burgos at Sam Hall ang FEU-D ng tig-anim na puntos.
Sina graduating forward Cabs Cabonilas and JB Cagurangan ay may tig-lima.
“I will do my best so that we can finish well in my last tournament in high school. I also want to pass on to my teammates what I learned,” ani Cabonilas.
Sa Under-16, panalo ang FEU-D laban sa University of Santo Tomas (UST), 21-16.
Inungusan ng DLSZ ang University of the Philippines Integrated School (UPIS), 20-19, sa U-19, at tinalo ang University of the East (UE), 16-15, sa U-16.
Sa iba pang laro sa U-19, nalusutan ng National University Nazareth School ang Ateneo sa overtime, 21-18; at pinadapa ng UST ang UE, 21-16.
Sa U-16 division pa rin, nagwagi ang defending champion Ateneo laban sa kapitbahay na UPIS, 21-14.
Si Sky Jazul ang nagdala sa Blue Eagles sa pamamagitan ng 11 points.
“Our mindset is to play as one and try to defend the championship. But we have to take it one game at a time,” ani Jazul, ang 15-anyos na Most Valuable Player noong Season 87.
“I just try to become this year’s leader. I’ll try my best to encourage them and give them confidence to make it to the championship.”


