Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Farm production, inaasahang babagal dahil sa El Niño

Inaasahang babagal ang produksyon ng agrikultura sa ikalawang kalahati ng 2026 dahil sa epekto ng habagat at banta ng malakas na El Niño, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Pero sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na posibleng hindi kasingtindi ng unang inaasahan ang epekto ng tagtuyot dahil sa January na inaasahang mararanasan ang pinakamalalang kondisyon, sa halip na November.

“So far, so good naman tayo. No need to panic. We have enough food supply. Prices are actually stable,” sabi ni Tiu Laurel.

Naghahanda na ang DA ng solar-powered irrigation systems, solar pumps at aerators para sa fish ponds para matulungan ang mga magsasaka at mangingisda na makayanan ang posibleng kakulangan sa tubig.

Namamahagi rin ang ahensya ng de-kalidad na binhi, fertilizers at bio-fertilizers para mapanatili ang produksyon sa mga sakahan.

Pinalalawak din ang KADIWA ng Pangulo program, kung saan direktang nakapagbebenta ang farmers’ cooperatives sa consumers. Ayon kay Tiu Laurel, dumarami ang kooperatibang sumasali rito bawat taon, na nagbibigay ng dagdag na merkado sa mga magsasaka at nakababawas sa gastos sa pagitan ng producers at consumers.

Samantala, ipinaliwanag ng kalihim na hindi lahat ng pagtaas ng presyo ng pagkain ay nangangahulugang lumalala ang kakulangan sa suplay.

Aniya, bahagi ng pagtaas ay dulot ng paghahambing sa napakababang presyo noong nakaraang taon.

Partikular niyang tinukoy ang palay, na bumagsak ang presyo noong 2025 at nakaapekto sa kita ng mga magsasaka. Para sa DA, mas maayos ang kasalukuyang presyo para sa producers.

Gayunman, malaking hamon pa rin ang inflation na umakyat sa 7.2 porsiyento noong September, kapantay ng naitala noong April sa pagsisimula ng Middle East conflict. Kabilang ang pagkain sa pangunahing nagtulak sa pagtaas ng inflation.

Sa ngayon, sinabi ng DA na sapat ang suplay ng mga pangunahing pagkain at karaniwang matatag ang presyo.

Pero kung magtatagal ang tagtuyot, posibleng bumaba ang ani at muling tumaas ang presyo ng pagkain.

Kaya nakatutok ang ahensya sa irigasyon, farm inputs at pagpapalawak ng direktang bentahan para mabawasan ang epekto ng El Niño sa produksyon at suplay ng pagkain. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles