Walang face-to-face classes sa lahat ng antas sa public at private schools sa Metro Manila at 15 probinsya ngayong Biyernes, September 4, dahil sa patuloy na malakas na ulan dulot ng habagat at masamang air quality mula sa haze ng forest fires sa Indonesia.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 134 ng Malacañang, ipatutupad sa halip ang alternative learning modes at iba pang learning continuity measures sa mga apektadong lugar.
Bukod sa National Capital Region, sakop ng kautusan ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Benguet, Zambales, Bataan, Bulacan, Tarlac, Pampanga, Cavite, Laguna, Batangas, at Occidental Mindoro.
Inilabas ang kautusan dahil sa inaasahang pagpapatuloy ng heavy rainfall dulot ng enhanced Southwest Monsoon o habagat at poor air quality sa Metro Manila.
Ang haze ay nagmumula sa matinding forest at peatland fires sa Kalimantan at Sumatra, Indonesia.
Mananatili ang alternative learning setup maliban kung magdesisyon ang kani-kanilang mga local chief executives na tuluyang kanselahin o suspindihin ang klase.
“Further thereto, the localized cancellation or suspension of classes in other areas may be implemented by their respective Local Chief Executives, pursuant to relevant laws, rules, and regulations,” ayon sa memorandum.
Bago ang Palace order, ilang local government units na ang nag-anunsyo ng suspension ng face-to-face classes dahil sa patuloy na pag-ulan.
Sa Pampanga, kabilang dito ang Apalit, Guagua, Minalin, City of San Fernando, San Simon, Sta. Ana, at Sto. Tomas. Sa Guagua at Sta. Ana, suspendido ang face-to-face classes hanggang Sabado, September 5.
Suspendido rin hanggang September 5 ang in-person classes sa lahat ng antas sa public at private schools sa Tarlac.
Sa Atok, Benguet, walang face-to-face classes mula preschool hanggang senior high school sa public at private schools.
Hiwalay namang nagpatupad ng class suspensions ang ilang local government units sa Visayas dahil sa haze.
Kabilang dito ang Cebu City at Lapu-Lapu City para sa public at private schools, habang may suspensions din sa Minglanilla, Talisay City, Carcar City, at San Fernando, Cebu. Sa Bilar, Bohol, suspendido ang kindergarten, elementary, at secondary classes sa public at private schools hanggang further notice dahil sa lumalalang air quality.
Patuloy na pinapayuhan ang publiko na bantayan ang official announcements ng national at local governments dahil maaaring magkaroon pa ng localized class cancellations depende sa lagay ng panahon at air quality. /Bistado


