Umaasa pa rin ang DMCI Holdings Inc. sa mas maayos na takbo ngayong 2026 kahit bumaba ang consolidated net income nito noong 2025, dahil nananatili umanong matibay ang pundasyon ng mga negosyo ng grupo.
Sa annual stockholders’ meeting nitong Martes, sinabi ni DMCI Holdings chairman Isidro Consunji na handa ang conglomerate sa hindi pantay na kondisyon ng merkado, lalo na sa epekto ng developments sa Middle East sa fuel costs at mas malawak na ekonomiya.
“Looking ahead, conditions will likely remain uneven, particularly with recent developments in the Middle East affecting fuel costs and the broader economy. Across the Group, our businesses remain on solid footing, supported by healthy cash flows and low debt,” ani Consunji.
Nagtala ang DMCI Holdings ng 20-percent decline sa consolidated net income sa P15.1 billion noong 2025, bunsod ng magkakaibang performance ng mga business segments nito.
“Thus, while earnings were lower year-on-year, the results highlight the value of having a diversified portfolio as different businesses move through different cycles,” sabi ni Consunji.
Sa construction business, tumaas ng 15 percent ang net income ng DM Consunji, Inc. sa P284 million noong 2025, dahil sa mas mataas na project accomplishments.
Malakas din ang naging resulta ng real estate business ng grupo. Umakyat ng 24 percent ang net income nito sa P3.3 billion, suportado ng improving revenues mula sa residential segment, robust rental and financing income, at one-off gains mula sa settlement ng previous investments.
Pero humina ang kita ng Semirara Mining and Power Corporation. Bumaba ng 33 percent ang net income nito sa P7.3 billion dahil sa normalization ng coal at power prices, mas mababang shipment volumes, at mas mataas na production costs.
Nagpatuloy naman ang positibong kontribusyon ng DMCI Power Corporation, na nag-ambag ng humigit-kumulang P1.25 billion noong nakaraang taon.
Gumanda rin ang performance ng nickel producer na DMCI Mining, na naghatid ng P4.1 billion revenues at P882 million net income.
Sa kabilang banda, nag-post ang Concreat Holdings Philippines Inc. ng net loss contribution na P1.9 billion habang nagpapatuloy ang stabilization ng operations nito.
Ayon sa kumpanya, ang 2025 ang unang full year ng Concreat Holdings Philippines sa ilalim ng DMCI Group.
Sa kabuuan, mas mahina ang 2025 earnings ng DMCI Holdings, pero ipinakita ng grupo na may mga segment pa ring lumago habang ang iba ay tinamaan ng price normalization, cost pressure, at operational adjustments. /Bistado


