Itinalaga ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. bilang bagong General Manager ng government owned TV network na PTV 4, ang mahusay na direktor at dating politiko na si Lino Cayetano.
Pinalitan ni Cayetano si dating TAPE Inc. at Eat Bulaga top executive na si Malou Choa-Fagar. Halos ilang buwan pa lang sa posisyon si Fagar bago siya pinalitan ni Cayetano.
Si Cayetano ang ikalawang natalong kandidato noong 2025 elections na binigyan ng appointment ni Marcos na natapos na nga ang tinatawag na isang taon na ‘political ban’.
Nauna na rito si ngayo’y Labor Secretary Francis Tolentino, na tumakbo bilang Senador sa ilalim ng tiket ni Marcos.
May mga politiko namang nagsasabi na umano’y “pangontra’ ng pamahalaang Marcos ang mas batang Cayetano sa mga kapatid nitrogen Senador na sina Alan Peter at Pia, na nasa kampo ng kalaban ng Marcos group.
Pagka-Kongresista sa Unang Distrito ng Taguig ang huling posisyon na tinakbuhan ni direk Lino kung saan nga nabunyag sa sambayanan ang hindi niya pagkakaroon ng maayos at magandang relasyon sa mga kapatid na hindi siya sinuportahan.
Ibang kandidato ang inindorso at sinuportahan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano, asawa ng kanyang kuyang si Alan Peter at siya nga ay natalo.
Nag-viral naman agad ang kanyang appointment kaya’t muling naglabasan ang mga noo’y “publicity and campaign” statements niya lalo na yung kontra sa kanyang mga kapatid.
Ang pinaka-latest nga dito ay ang kanyang naging pagsuporta sa mga panawagan ng mga kumokontra sa mga kapatid na wala na nga daw dapat pang Cayetano na dapat tumakbo at mahalal sa 2028.
Nang dahil diyan, tinawag siyang “the good son” dahil kinokontra niya ang mga kapatid at hipag sa pulitika lalo na ngayong mga panahong tila “kapit-tuko” sa posisyon ang kanyang mga kapatid sa Senado.
Bigla ding lumabas sa socmed ang pagiging mabuting anak niya dahil siya nga itong boluntaryong nag-donate ng kanyang kidney sa noo’y amang si dating Senador Rene “Compañero” Cayetano na nangailangan nito.
“Mayor Cayetano brings with him a rare wealth of experience from the media, the private and the public sector that would certainly take PTV 4 to greater heights in our ever-evolving multimedia landscape,” pahayag ni Presidential Communications Office chief Dave Gomez na nag-anunsyo ng naturang appointment ng batang direktor at film producer.
Samantala, buong puso naman siyang winelcam ng showbiz sector, lalo na yung mga totoong nakakakilala sa kanyang husay, talino, sipag at kakayahan bilang isang magaling na lider.
Halos lahat sa showbiz at natutuwa sa kanyang appointment dahil higit umano siyang may alam at kakayahan at kaya din niyang pagkaisahin ang sektor na ito kahit pa isang government owned network ang PTV 4.
Grumadweyt sa UP Diliman ng kursong Mass Communication si direk Lino, naging isang producer at mahusay na direktor at minamahal ng maraming taga-showbiz.


