Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Deputy Speaker Ortega: VP Sara malabong umattend sa trial, malabong mag-resign

Malabong mag-resign o personal na dumalo si Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial, pero kailangang matuloy ang paglilitis para marinig ng publiko ang sagot mismo mula sa kampo ng Bise Presidente, ayon kay Deputy Speaker at La Union 1st District Rep. Francisco Paolo Ortega V nitong Sabado.

Sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, sinabi ni Ortega na ang hindi pagdalo ni Duterte sa mga naunang proceedings sa House at sa pre-trial conference ngayong linggo ang batayan ng kanyang personal na pananaw kung haharap ba ito kapag nagsimula na ang Senate impeachment trial.

Nang tanungin kung inaasahan niyang dadalo si Duterte sa impeachment trial, direkta ang sagot ni Ortega.

“Ako tingin ko, hindi pa rin siya dadalo,” sabi ni Ortega.

Tinanong kung ano ang batayan nito, sinabi ni Ortega na hindi naman umano dumadalo si Duterte sa mga naunang proceedings.

“Kasi hindi talaga siya dumadalo, kahit noong 19th Congress, hindi siya dumadalo…Sa tingin ko hindi pa rin siya dadalo,” sabi ni Ortega.

Ayon kay Ortega, maaaring bahagi ng strategy ng defense ang hindi pagdalo, hindi pagkomento, at hindi pag-engage. Pero giit niya, karapatan ng publiko na marinig ang direktang sagot mula sa mismong nahaharap sa mga alegasyon.

“Maganda na lang manggaling sa, coming from the horse’s mouth, sabi nga nila,” sabi ni Ortega.

Aniya, mas mataas ang pamantayan sa isang Vice President, lalo na kung posibleng tumakbo pa sa mas mataas na puwesto.

“May obligasyon ka sa taumbayan na sumagot. You’re held to a higher standard than regular people, regular politicians. Hinalal ka diyan, sagutin mo yung taumbayan,” giit niya.

Nang tanungin kung malabo bang mag-resign si Duterte sakaling patuloy ang mga sagot na inilarawan ng House prosecutors bilang hindi direkta, sinabi ni Ortega na posible itong strategic option, pero hindi niya ito inaasahan.

“Idea, yes. Pwedeng option ’yun kasi strategic option ’yun,” sabi ni Ortega. “Pero ako, tingin ko, hindi naman, opinion ko, personal kong pananaw, hindi magre-resign,” dagdag niya.

Ayon kay Ortega, mukhang iniiwasan ng kampo ni Duterte ang full-blown trial, mula sa paghiling na ma-dismiss ang kaso sa House process hanggang sa paghingi rin ng dismissal sa Senado. Pero giit niya, kailangang matuloy ang trial.

“Hindi naman po maaari, kailangan po magkaroon ng impeachment trial,” sabi ni Ortega.

Aniya, hindi pwedeng takasan ang accountability sa pamamagitan ng hindi pagharap sa proceedings o paghiling na ibasura ang kaso.

“Hindi naman po pwedeeng ganoon na nagbibitaw ka kung may ginagawa ka na wala kang accountability,” giit niya.

Para kay Ortega, kailangang simulan ang trial, ilatag ang ebidensya, at tapusin ang proseso.

“Kaya kailangan mag-umpisa ng trial para makita na po lahat, mailatag po lahat ng sagot, matapos na po, tuldukan na po, tapusin na natin ang impeachment trial na to,” sabi niya.

Ayon kay Ortega, mukhang handa ang prosecutors sa iba’t ibang scenario, kabilang ang posibleng hindi karaniwang defense strategies at mga hakbang na maaaring magpahaba o magpa-delay sa kaso. Tumanggi siyang talakayin nang detalyado ang trial strategy, pero naniniwala siyang naghahanda ang prosecutors nang paisa-isa at kada article.

“Tingin ko lahat na scenarios pinaghandaan naman ng prosecutors natin eh,” sabi ni Ortega.

Aniya, handa ang prosecutors sa anumang strategy na tahakin ng defense.

“Nakikita po natin na, siguro sabihin na nating, may konting paraan para mas humaba o ma-delay nito. Pero nakahanda po yung prosecutors natin,” sabi niya.

Giit ni Ortega, malinaw ang kailangang gawin: simulan ang trial para makita ng publiko ang ebidensya, marinig ang mga sagot, at sila mismo ang humusga sa proseso.

“So kailangan lang po talaga, maumpisahan. Marami pong tanong, saka maraming agam-agam, saka maraming, maraming question ang mawawala kung nag-uumpisa na po,” sabi ni Ortega. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles