Magpapatupad ang Department of Education (DepEd) ng malawakang School Safety Campaign para higpitan ang seguridad sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa bansa.
Inilunsad ito ni Education Secretary Sonny Angara kasunod ng madugong pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong June 22, na ikinasawi ng tatlong mag-aaral at ikinasugat ng mahigit isang dosena pa.
Ayon kay Angara, prayoridad ng DepEd ang proteksyon ng mga estudyante.
“Hindi natin hahayaang malagay sa panganib ang ating mga anak. Dapat manatiling ligtas na lugar ng pagkatuto ang mga paaralan,” aniya.
Sa ilalim ng kampanya, magkakaroon ng handheld metal detectors sa mga paaralan, mas mahigpit na visitor management system, regular na inspeksyon ng bag, dagdag na closed-circuit television (CCTV) cameras, at mas pinaigting na pagbabantay ng security personnel.
Isasailalim din sa safety audit ang mga paaralan upang suriin ang kondisyon ng mga bakod, ilaw, daanan ng bisita, at emergency exits. Target nitong matukoy at maagapan ang mga lugar na may mataas na panganib.
Paiigtingin din ng DepEd ang pagpapatupad ng Anti-Bullying Act at iba pang child protection policies.
Makikipag-ugnayan ang mga paaralan sa pulisya, barangay, magulang, at iba pang ahensya para sa mas mabilis na pagtugon sa mga insidente.
Magkakaroon din ng confidential reporting channels para sa bullying at karahasan, pati mga programa laban sa cyberbullying at iba pang online threats.
Tiniyak ng DepEd na may nakahandang psychological first aid, counseling, at psychosocial support para sa mga biktima, saksi, at iba pang apektado ng karahasan sa paaralan. /Bistado


