Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DA pinalawak ang P20 rice program sa Kalinga, P285M suporta nakalaan sa agri sector

TABUK CITY, Kalinga – Pinalawak ng Department of Agriculture (DA) ang Benteng Bigas, Meron Na! o P20 Rice Program sa Kalinga habang naglatag ng malaking suportang pang-agrikultura para sa mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan ngayong 2026.

Pinangunahan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang rollout sa Tabuk City noong May 22, kasabay ng pagbisita sa warehouse ng National Food Administration, pakikipagdayalogo sa mga magsasaka sa National Irrigation Administration site, at opisyal na paglulunsad ng P20 Rice Program.

Layunin ng programa na gawing mas abot-kaya ang bigas para sa consumers habang binibigyan ng patas na market access ang mga magsasaka.

Ayon sa DA, aabot sa tinatayang P285 million ang kabuuang suporta ngayong taon para sa bigas, mais, hayupan, high value crops, at special local programs. Makikinabang dito ang libo-libong rehistradong magsasaka sa walong munisipalidad ng Kalinga.

Noong 2025, umabot naman sa P283.6 million ang naipaabot na tulong ng DA sa lalawigan.

“Ang Kalinga ay hindi lang mayaman sa likas na yaman; mayaman din sa mga masisipag na magsasaka na karapat-dapat sa pinakamainam na suportang maibigay ng gobyerno. Ngayon, hindi lang tayo namamahagi ng bigas at tulong pang-agrikultura kundi pinapalakas din ang mga komunidad upang mapataas ang produksiyon, mapatatag ang presyo, at mapanatili ang mga tradisyunal na uri ng katutubong bigas,” ani Tiu Larel.

“Itong komprehensibong aksiyon – mula sa pamamahagi ng crop insurance at mga makinarya sa bukid hanggang sa paglulunsad ng market-oriented na mga inisyatiba tulad bg KADIWA ng Pangulo – magsisiguro na bawat magsasaka, mula sa maliliit hanggang sa mga kooperatiba, ay makakapagpalago ng kanilang mga kabuhayan,” anang kalihim.

“Amg ating adhikain ay isang Kalinga kung saan ang pagsasaka ay hindi lang para may pantawid kundi maging daan ito tungo sa paglago ng ekonomiya at seguridad sa pagkain para sa buong rehiyon ng Cordillera.”

Ang Kalinga ay may mahigit 47,000 ektarya ng malalaking sakahan na may patubig at tahanan ng tinatayang 37,720 pamilya. Pangunahing produkto nito ang bigas, mais, at kape, habang ang babuyan at bakahan ay nagbibigay ng dagdag na kabuhayan.

Noong 2025, nakapag-ani ang lalawigan ng mahigit 138,000 metriko tonelada ng bigas at 6,000 metriko tonelada ng katutubong bigas, na bahagi ng supply contribution ng rehiyon.

Binigyang-diin din ng DA ang partisipasyon ng 259 accredited civil society organizations para matiyak na makakarating ang tulong sa individual farmers at cooperative groups. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles