Binuksan ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Plant Industry (BPI) ang National Seed Reserve Facility sa Quezon City para tiyakin na may ligtas, sapat, at de-kalidad na reserba ng binhi ang bansa sa regular na taniman at sa rehabilitasyon matapos ang kalamidad.
Matatagpuan ang pasilidad sa loob ng compound ng BPI at magsisilbing sentralisadong imbakan ng mahahalagang binhi ng pamahalaan. Gumagamit din ito ng solar power bilang bahagi ng mga hakbang ng DA para sa mas makakalikasan at mas matatag na sektor ng agrikultura.
Bukod sa BPI, magsisilbi rin itong ligtas na imbakan para sa partner agencies at government institutions na kailangang pangalagaan ang agricultural resources laban sa epekto ng kalamidad at iba pang emergency.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., mahalagang investment ang pasilidad sa food security strategy ng bansa, lalo na ngayong mas madalas at mas matindi ang epekto ng climate change.
“Sa harap ng mas malalakas na bagyo, mas matagal na tagtuyot, at iba pang epekto ng climate change, napakahalaga ng pagkakaroon ng maaasahang reserba ng de-kalidad na mga binhi. Sa ganitong paraan, mas mabilis nating matutulungan ang mga magsasaka na makapagtanim muli, maibalik agad ang produksyon ng pagkain, at mapatatag ang ating sektor ng agrikultura. Ang pasilidad na ito ay nagsisiguro na hindi maisasakripisyo ang seguridad sa pagkain, kahit sa pinakamahihirap na sitwasyon,” ani Tiu Laurel.
Inilunsad ang pasilidad nitong Huwebes, July 2, kasabay ng mas pinaigting na paghahanda ng gobyerno sa pabago-bagong panahon na paulit-ulit na tumatama sa ani at kabuhayan ng mga magsasaka.
Sa pamamagitan ng seed reserve, target ng DA na mabawasan ang delay sa pagtatanim matapos ang kalamidad, mapabilis ang recovery ng production, at maiwasan ang supply shortage na pwedeng magtulak pataas sa presyo ng pagkain.
Idinisenyo ang National Seed Reserve Facility para mapanatili ang kalidad at germination capacity ng mga binhi sa mahabang panahon, habang tinitiyak ang mabilis na access para sa production, rehabilitation, at emergency response programs ng pamahalaan.
Ayon kay BPI Director Glenn Panganiban, malaking hakbang ito tungo sa mas maaasahang sistema ng seed security, lalo na dahil bubuksan din ang pasilidad sa iba pang partner agencies at institutions.
“Layunin ng pasilidad na matiyak ang pangmatagalang preserbasyon, mataas na kalidad, at agarang pagkakaroon ng mga binhi para sa regular na mga programa sa pagtatanim, pagtugon sa mga sakuna, rehabilitasyon, at iba pang prayoridad na inisyatiba ng pamahalaan,” ani Panganiban. /Bistado


