Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DA, binuksan muli ang poultry imports mula Argentina matapos ang bird flu clearance

Muling binuksan ng Department of Agriculture (DA) ang kalakalan ng poultry at bird products mula Argentina matapos ideklarang kontrolado na ang highly pathogenic avian influenza o bird flu sa South American country.

Inalis ng DA ang pansamantalang ban sa imports mula Argentina ng domestic at wild birds, poultry meat, day-old chicks, itlog, at poultry semen.

Nilagdaan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang Department Circular No. 29, na nagpapawalang-bisa sa restrictions sa ilalim ng Department Circular No. 13 ngayong taon.

Batay ang desisyon sa official reports mula sa animal health authorities ng Argentina, na nagsasabing resolved na ang avian influenza case na naging dahilan ng ban at wala nang bagong outbreak na naitala.

Dahil dito, muling kinilala ang Argentina bilang bird flu-free alinsunod sa standards ng World Organisation for Animal Health.

Ayon sa Bureau of Animal Industry ng DA, ipinakita ng risk assessment nito na napakababa o halos wala nang contamination risk mula sa poultry products na manggagaling sa Argentina.

Dahil dito, maaari nang ipagpatuloy ang trade sa sandaling magkabisa ang circular.

“Ang muling pagbubukas ng access sa mga produktong manok at breeding materials mula sa Argentina ay nagpapalawak sa ating mga mapagkukunan sa panahong nananatiling prayoridad ng bansa ang seguridad sa pagkain,” ani Secretary Tiu Laurel.

Dagdag niya, “Ang mas malawak at mas sari-saring pinanggagalingan ng suplay ay makatutulong upang matiyak ang sapat na suplay, masuportahan ang pangangailangan ng ating poultry industry, at mapatatag ang presyo para sa mga mamimili, habang pinananatili ang mahigpit na biosecurity standards upang maprotektahan ang lokal na produksyon.”

Inaasahang makikinabang sa hakbang ang poultry integrators, breeders, at food processors na umaasa sa imported genetics at raw materials para suportahan ang local production.

Ayon sa DA, karaniwang kumukuha ng suplay mula sa iba’t ibang bansa ang poultry industry para mabawasan ang panganib ng supply delays dahil sa disease outbreaks, trade restrictions, o logistics problems.

Bagama’t hindi kabilang ang Argentina sa pinakamalalaking supplier ng poultry products ng Pilipinas, sinabi ng DA na ang pag-alis ng ban ay nagpapalawak sa supply options ng bansa.

Mahalaga ito habang nakatutok ang pamahalaan sa food security at pagpigil sa inflation.

Ayon sa DA, ang karagdagang source ng poultry products at breeding stock ay maaaring makatulong sa mas matatag na supply at pangmatagalang paglago ng local poultry industry.

Ipinakita rin ng hakbang ang risk-based approach ng DA sa animal disease management.

Karaniwang nagpapatupad ang ahensya ng targeted import restrictions sa mga bansang may avian influenza outbreaks.

Binubuksan naman muli ang market access kapag napatunayan ng veterinary authorities na kontrolado na ang sakit at sumusunod ang bansa sa international animal health standards.

Maaaring ipagpatuloy ang import transactions para sa mga produktong kinatay o ginawa matapos mailabas ang circular, alinsunod sa umiiral na DA regulations.

Magkakabisa ang kautusan 15 araw matapos itong mailathala at maisumite sa Office of the National Administrative Register. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles