Nilinaw ng Bureau of Customs (BOC) nitong Huwebes na wala pang “confirmed cases” ng umano’y baggage tag switching sa mga Philippine airport nitong mga nakaraang buwan, matapos kumalat online ang mga ulat tungkol sa naturang modus.
Ayon sa BOC, ang mga report na kumakalat sa social media ay lumilitaw na may kaugnayan sa mga insidenteng nangyari sa ibang bansa. Nilinaw din ng ahensya na hindi sakop ng kanilang hurisdiksyon ang baggage tagging at wala silang papel sa paglalagay, paghawak, o pagpapalit ng mga baggage tag.
“We want to clarify that the BOC does not handle or manage baggage tagging and has no involvement in any matters related to the placement or switching of baggage tags,” ayon sa BOC.
Sa advisory nitong June 4, sinabi ng ahensya na nauunawaan nito ang pangamba ng publiko hinggil sa online reports tungkol sa alleged baggage tag switching.
“Based on available information, there are no confirmed cases of this incident occurring in Philippine airports in recent months. The recent reports appearing online are believed to be linked to cases that have taken place in other countries,” saad ng BOC.
Nilinaw ng bureau na ang pangunahing trabaho nito ay ang pagpapatupad ng customs laws at pagprotekta sa mga border ng bansa.
Kahit hindi konektado sa local operations ang mga report, sinabi ng BOC na patuloy itong nakikipag-ugnayan sa mga relevant authorities para sa kaligtasan at seguridad ng mga pasahero.
Bilang dagdag proteksyon, pinayuhan ng BOC ang travelers na kuhanan ng litrato ang luggage bago mag-check in, lagyan ng madaling makilalang markers ang bag, at bantayan ang gamit sa buong biyahe.
Maaari ring gumamit ng tracking devices ang travelers para sa dagdag na peace of mind.
“The Bureau of Customs remains committed to maintaining secure ports of entry and protecting the traveling public,” ayon sa BOC.
Hinimok din ng ahensya ang publiko na manatiling informed, maging vigilant, at i-report ang anumang kakaiba o kahina-hinalang aktibidad sa tamang awtoridad.
Maaari ring ipadala ang concerns sa “Isumbong Kay Commissioner,” ang platform ng BOC para sa complaints at public reports. /Bistado


