Sa inilabas na official poster ng SIGABO, ang action-drama-comedy series na muling pagsasamahan ng real-life partners na sina direk Coco Martin at Julia Montes, may ibinahagi si Coco tungkol sa pulitika at ngayo’y nangyayari sa bayan.
“Hindi po ako pulitikong tao, pero gusto kong isipin na may sapat din naman akong mga kamulatan sa mga nangyayari sa bansa natin.Nakakalungkot lang talaga na sa nangyayari ngayon, tayong mga tao at ang bansa talaga ang nagdudusa, ang nahihirapan, grabeng apektado,” saad ng writer-director-producer ng SIGABO.
Big ‘no-no’ daw kay Coco ang pasukin ang pulitika gaya ng panghihikayat ng marami. May mga pagkakataon pa nga daw na inalok na din siya ng posisyon sa gobyerno pero ito’y kanyang tinanggihan.
“Mas marami po kasi tayong natutulungan kahit wala tayo sa pulitika o gobyerno. Saka yung pagtulong, walang kulay-kulay iyan. Hindi ka nakatali sa kung kaninong partido o lider. Mas mabuti at maayos na ang ganun,” hirit pa ng aktor-direktor.
Kahit daw na-identify siya kay Sen. Lito Lapid na naging malaking bahagi ng kanyang mga series na Ang Probinsyano at Batang Quiapo, “yung pagiging magaling niyang artista at isang mabuting ama-amahan ang mas nakikita ko at nararanasan sa kanya.”
“Since bata pa kasi ako at kapag isinasama ako ng lola ko na manood ng sine, sila nina FPJ (Fernando Poe Jr.), Christopher de leon, Vic Silayan at Johnny Delgado ang nagpamulat sa akin ng sining, ng kultura ng pinoy. Yung mga movies nila sobra ang naka impluwensya sa akin,” dagdag pa ni Coco.
Sayang nga lang daw dahil sina Lito at Boyet de leon na lang ang naranasan niyang makasama sa mga series dahil nang magkapangalan na siya sa showbiz ay yumao na ang mga paborito din niyang sina FPJ, Silayan at Delgado.
And speaking of FPJ kung saan nga nakilala ng husto si Coco nang dahil sa mga action-series na kanyang muling binuhay at isina-TV, this time around daw ay hinikayat na siya ni Julia na gamitin na din ang kanyang showbiz name, bilang “ulo” ng SIGABO.
Kaya naman daw sa official poster na kanilang inilabas, makikita na nga ang ganito, “Coco Martin’s SIGABO.”
Kahit naman kasi noon pa sa ‘Ang Probinsyano at Batang Quiapo’, halos lahat ng ideas at mga sangkap nung series ay kay Coco na daw nanggaling.
“Concepts niya, stories niya, mga anggulo at kahit yung mga action-drama scenes, kanya talaga. So sabi ko, bakit hindi naman niya ipagmalaki ngayon dito sa SIGABO na sa kanya nga galing ang lahat?,” susog ni Julia.
With all due respect at pagbibigay daw ng mataas na respeto kay FPJ at pamilya nito na nagtiwala sa kanya na gawin niyang TV series ang dalawa sa hit at classic movies nito, ngayon daw sa SIGABO ay napapanahon naman sigurong sa kanya na ibigay ang kredito.
Kaya abangan daw ng kanilang mga tagahanga ang opisyal ng pagsa-ere nito ngayong June 22, at 8PM sa lahat ng Kapamilya platforms ng ABS-CBN.


