Pinaputukan ng flares ng China’s People’s Liberation Army (PLA) ang isang unarmed aircraft ng Philippine Coast Guard (PCG) habang nagsasagawa ito ng Maritime Domain Awareness (MDA) flight sa Kalayaan Island Group (KIG) sa West Philippine Sea.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, naitala ang magkahiwalay na flare discharges noong Lunes, September 7.
Bago lumapag sa Pag-asa Island, hinamon muna sa radyo ang PCG aircraft ng Chinese forces na nakapuwesto sa Zamora Reef, na tinatawag ding Subi Reef. Pagkatapos ay nagpaputok ang mga ito ng flares sa direksyon ng eroplano.
Naulit ang insidente sa Panganiban Reef, o Mischief Reef, kung saan nagpaputok din ng flares ang Chinese forces sa direksyon ng PCG aircraft.
Sa parehong insidente, tumugon sa radyo ang PCG aircrew at iginiit na labag sa international law ang presensya ng Chinese forces sa mga reclaimed feature at routine at lehitimong operasyon ang MDA flight.
Nakita rin ng PCG aircrew ang maraming Chinese Maritime Militia vessels na nakasilong sa lagoons ng dalawang feature.
Wala umanong nakitang personnel sa decks ng mga barko o sa reclaimed facilities. Wala ring namonitor na paggalaw ng mga sasakyan sa artificial islands.
“The PCG will continue to conduct MDA flights over the West Philippine Sea undeterred, and will continue to document and expose China’s aggression and violations of international law, in line with President Ferdinand R. Marcos Jr.’s commitment that the country will never yield,” ani Tarriela.
Binigyang-diin naman ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang ginawa ng PLA laban sa walang armas na Coast Guard aircraft.
“Flares were fired at an unarmed Coast Guard aircraft. The PCG does not need to characterize this behavior,” ani Gavan.
Tinukoy din niya ang 2016 Arbitral Award na nagsasabing ang Panganiban Reef ay low-tide elevation na bahagi ng exclusive economic zone at continental shelf ng Pilipinas at nilabag ng reclamation activities ng China doon ang sovereign rights ng bansa.
Ayon pa kay Gavan, ang pagpapaputok ng flares sa isang aircraft habang lumilipad ay naglalagay sa panganib sa kaligtasan nito at binabalewala ang duty of due regard ng China sa ilalim ng Convention on International Civil Aviation. /Bistado


