Nakabalik na sa Pilipinas sina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano at Sen. Pia Cayetano bago maghatinggabi nitong Sabado, September 12, matapos ang kanilang biyahe sa Singapore na nagbunsod ng sari-saring espekulasyon online.
Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) noong Huwebes na nakalabas ng bansa ang magkapatid. Nilinaw ng ahensya na wala silang hold departure order o derogatory record na legal na hahadlang sa kanilang pagbiyahe.
Naging usap-usapan ang timing ng kanilang pag-alis habang nahaharap si Alan sa mga isyung iniimbestigahan, kabilang ang obstruction of justice complaint laban sa kanya. Gayunman, walang travel restriction laban sa senador nang umalis siya.
Nauna ring sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na may impormasyon siyang babalik ang magkapatid sa weekend.
Samantala, nilinaw ni Pia habang nasa Singapore na matagal nang nakaplano ang kanyang biyahe at naroon siya upang suportahan ang Philippine national padel team na lumalahok sa Asia Pacific Padel Tour Love All Grand Slam Platinum Singapore 2026.
Iginiit din niyang hindi siya nagtatago at wala siyang dahilan upang gawin ito.
Maging si Ombudsman Jesus Crispin Remulla ay hindi nagpahayag ng alarma sa pagbiyahe ng magkapatid.
“They probably need a break. I know they have been under stress lately, as what Senator Ping Lacson said, and I would follow the words of Senator Lacson,” ani Remulla nitong Biyernes.
Sa kanilang pagbabalik sa bansa, natapos ang ilang araw na espekulasyon online hinggil sa kung mananatili sa abroad ang magkapatid. Ang kanilang pagbiyahe ay pinahintulutan dahil walang umiiral na legal na kautusang nagbabawal sa kanilang umalis ng Pilipinas./Bistado


