Binuweltahan ng House prosecution panel nitong Martes ang alegasyong inuna ang impeachment bago naghanap ng ebidensya laban kay Vice President Sara Z. Duterte.
Iginiit nina House prosecutor at Akbayan Party-list Rep. Jose Manuel Tadeo “Chel” Diokno at prosecution legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na magkaiba ang tungkulin ng House of Representatives at Senado sa impeachment process.
Tugon ito kay Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, na kumuwestiyon sa paghingi ng prosecution ng mga subpoena para sa bank at Anti-Money Laundering Council (AMLC) records ng Bise Presidente at asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio matapos maisumite ang Articles of Impeachment.
“Alam naman natin, napag-usapan din natin kahapon ’yang issue na ’yan, ang sinasabi nilang fishing expedition. Pero ilagay natin sa tamang konteksto itong pinag-uusapan natin,” ani Diokno.
Ipinaliwanag niyang trabaho ng House Committee on Justice na tukuyin kung may probable cause para dalhin ang reklamo sa paglilitis. Senado naman ang may kapangyarihang litisin at desisyunan ang Articles of Impeachment.
“Noong pumasok ’yung impeachment complaint sa Committee on Justice ng House of Representatives, ang tungkulin ng committee noon ay malaman lang kung may probable cause,” sabi ni Diokno.
“Wala sa trabaho namin na halungkatin ang lahat ng ebidensya at magkaroon mismo ng trial, dahil kamay na ng Senado ’yung pag-conduct ng trial,” dagdag niya.
Sa Senate impeachment court na tatawag ng mga saksi, hihingi ng compulsory process at maghahain ang magkabilang panig ng kanilang buong ebidensya.
“The time to have evidence presented—and siyempre, para makapag-present ng ebidensya, ’yung panahon para sa subpoena—ay dito sa loob ng Senate Impeachment Court,” ani Diokno.
Pinagbigyan nitong Lunes ng impeachment court ang mga subpoena para sa tinukoy na peso bank records, AMLC documents at Bureau of Internal Revenue (BIR) records na may kaugnayan sa unexplained-wealth allegations sa Article II.
Hindi pinayagan ang walang limitasyong pagsusuri. Hindi isinama ang foreign-currency deposits at dalawang korporasyong kulang ang nakitang koneksyon sa kaso. Dadaan muna sa in-camera review ang AMLC records. Kailangan ding magsumite ng kaukulang return ang BIR commissioner bago pagpasyahan ng korte kung anong tax records ang maaaring ilabas.
“Kaya kami naniniwala at paulit-ulit naming sinasabi na walang fishing expedition, wala ring shortcut,” ani Diokno.
Inihalintulad ni Tolosa ang proseso sa criminal case, kung saan probable cause muna ang tinutukoy bago ang buong paglilitis.
“Hindi pa talaga required at inaasahan na ipapakita na lahat ng ebidensya. Lahat ng ebidensya, lalabas ’yan during the trial itself,” aniya.
Hindi pa nagpapatunay sa mga alegasyon ang mga subpoena. Kailangan pang isumite, patunayan at pormal na ialok ang mga dokumento bilang ebidensya. Maaari ring tumutol ang depensa at ipaliwanag ang mga transaksyong makikita sa records.
“Since determination of probable cause ang ginagawa sa House of Representatives, pagsampa sa Impeachment Court, ito na ho ’yung full-blown trial. Ito na ’yung tamang venue para hingin, ilabas at siyasatin natin lahat ng ebidensya,” ani Tolosa. /Bistado


