Panibagong taas-presyo sa produktong petrolyo ang sasalubong sa motorists simula August 25, ikalawang sunod na linggo ng oil price hikes sa gitna ng patuloy na developments sa Middle East.
Ayon sa Department of Energy (DOE), ang maximum price increase para sa August 25 hanggang 31 ay P1.08 kada litro sa RON 91, RON 95, at RON 97 gasoline, P2.31 sa diesel at diesel plus, at P0.95 sa kerosene.
Inaasahang ipatutupad ang adjustments simula alas-6 ng umaga nitong Martes. Kinumpirma ng Seaoil ang P1.08 gasoline at P2.31 diesel hikes, habang P0.91 kada litro ang dagdag nito sa kerosene.
Kapag isinama ang nakaraang linggo, umabot na sa P3.57 kada litro ang two-week increase sa gasolina, P6.15 sa diesel, at P5.96 sa kerosene.
Batay sa DOE monitoring noong August 18 hanggang 24, nasa average na P74.80 kada litro ang RON 91 gasoline sa Metro Manila, P90.30 ang diesel, at P116.50 ang kerosene.
Bumaba naman sa 47.22 days ang kabuuang fuel supply ng bansa as of August 21 mula 58.34 days isang linggo bago nito.
Pero ayon kay Energy Undersecretary Alessandro Sales, epekto ito ng normal commercial ordering cycles at hindi indikasyon ng shortage. Sinabi niyang nananatiling available ang supply at komportable pa ang pamahalaan sa inventory levels.
Ayon sa DOE, nakabatay ang bagong price adjustments sa galaw ng global oil market habang patuloy na nakaaapekto sa supply at presyo ang developments sa Middle East. /Bistado


