Itinaas ng Monetary Board ang Target Reverse Repurchase Rate ng Bangko Sentral ng Pilipinas ng 25 basis points sa 4.75 percent matapos ang monetary policy meeting nitong June 18.
Inakyat din ang rates sa overnight deposit at lending facilities sa 4.25 percent at 5.25 percent.
Ayon sa Monetary Board, nananatiling malakas ang inflationary pressures. Mataas pa rin ang global oil at fertilizer prices, na patuloy na nagtutulak sa domestic fuel at food prices.
Sinabi rin nito na ang pagtaas ng core inflation ay nagpapakita ng lumalawak na price pressures at second-round effects, kabilang ang mas mataas na inflation expectations.
Batay sa latest BSP projections, mas mataas na inflation path ang nakikita. Inaasahang lalampas sa 4.0-percent tolerance ceiling ang average headline inflation sa 2026 at 2027.
Para sa 2028, nakikitang bahagyang mas mataas kaysa sa 3.0-percent target ang inflation.
Dahil dito, sinabi ng Monetary Board na warranted ang monetary policy tightening upang panatilihing anchored ang inflation expectations at mabawasan ang risk ng second-round effects.
Makatutulong din umano ang measured monetary policy action sa fiscal measures para suportahan ang steady consumption at palakasin ang business sentiment.
Patuloy na gagabayan ng incoming data ang Monetary Board at handa umano itong gumawa ng dagdag na monetary action kung kinakailangan upang maibalik ang inflation sa 3.0-percent target. /Bistado


