Nanatiling walang talo sa PBA Season 50 Governors’ Cup ang Blackwater at Converge matapos ang magka-ibang istilo ng panalo nitong Biyernes sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Nahirapan ng konti ang Bossing laban sa Magnolia Hotshots, 89-81, upang makasali ang Phoenix Super LPG sa liderato ng Group B na may 2-0 kartada.
Sa unang laro, pinangunahan ni Justin Arana ang Converge sa mas kumbinsidong 149-124 panalo laban sa Macau upang mapantayan nila ang NLEX sa tuktok ng Group A na may 3-0 kartada.
“Sana ganito kami lagi,” ani Blackwater coach Pat Aquino matapos sundan ng Bossing ang kanilang 131-108 panalo laban sa Rain or Shine sa kanilang unang laro.
“It’s a battle and I’m happy our guys stepped up like RK Ilagan. Some had a slow output but they didn’t give up and didn’t stop playing.”
Inilabas ng import na si Kentrell Barkley ang kanyang pinakamahusay na laro sa huling yugto matapos umiskor ng 12 sa kanyang game-high na 26 puntos sa fourth quarter.
Naging matatag si RK Ilagan sa buong laro, umiskor sa bawat yugto upang tapusin ang laban na may 20 puntos at makuha ang kanyang ikalawang sunod na Best Player of the Game award.
Nabura ang 11 puntos na kalamangan ng Bossing, ngunit pinangunahan nina Barkley at Ilagan ang 10-0 ratsada upang tapusin ang laro at ipatikim sa Magnolia ang ikalawang sunod nitong pagkatalo.
“Salamat sa tiwala ni coach Pat,” ani Ilagan. “Nagkakaroon ako ng kumpiyansa para laruin ang dapat kong laruin.”
Nag-ambag si Dalph Panopio ng 12 puntos habang nagdagdag si Sedrick Barefield ng 10 upang tulungan ang Blackwater na malampasan ang 32 puntos na pagsabog ng import ng Magnolia na si KJ Buffen.
Sa unang laro, nagtala si Arana ng career-high na 39 puntos bukod pa sa 12 rebounds upang tulungan ang FiberXers na makuha ang maagang 19 puntos na kalamangan.
Sinubukan ng Giant Pandas na makabalik sa laban sa third period ngunit tuluyang nakontrol ng FiberXers ang laro sa huling bahagi.
Sinabi ng nanalong coach na si Delta Pineda na naging susi ang kanilang mabilis na laro matapos ang dikit na 105-103 panalo laban sa Terrafirma dalawang gabi ang nakalipas.
“Noong first quarter po ‘yung transition namin, kung titingnan n’yo, ‘yun po strength namin. Nawala ng second, then good thing after noong huddle, nagising po mga bata. Nu’ng second half po ‘yung transition namin nandoon na, tumakbo na ho ulit ‘yung mga bata,” ani Pineda.
Pinangunahan ni Arana ang opensa matapos umiskor ng walo, 14 at 11 puntos sa unang tatlong yugto.
“Kina-counter ko lang kung ano depensa nila sa akin. Luckily, pumapasok ‘yung tira so thankful lang,” ani Arana.
Pinangunahan ni Ramon Cao ng Macau ang lahat ng scorers sa bago niyang PBA career-high na 41 puntos, tampok ang bagong league record na limang four-pointers.
Nagdagdag ang import na si De’Vondre Perry ng 35 puntos at si Kobey Lam ng 26, ngunit nabigong makapagbigay ng sapat na suporta ang iba pang manlalaro ng Macau kaya nalasap ng guest team ang ikatlong sunod nitong pagkatalo.
Mas lalo pang lumala ang sitwasyon para sa Giant Pandas nang ma-eject ang pangunahing playmaker na si Damien Chongqui may 5:26 pang natitira sa second period.
Itinuring na sobrang lakas ang paghagis ni Chongqui ng bola sa referee na si Albert Nubla kaya siya ay pinalabas ng laro matapos lamang makaiskor ng anim na puntos.
Gayunman, patuloy na lumaban ang Macau at pansamantalang nakalamang pa, 83-82, bago tumabla sa 86-all.
Ngunit pinangunahan nina Williams at Arana ang 23-10 ratsada ng Converge sa third period para sa 109-96 na kalamangan at sunod na maghari sa huling quarter, 40-28.
The scores:
First Game
CONVERGE 149 – Arana 39, Williams 16, Stockton 15, Baltazar 13, Abueva 13, Hudson 12, Garcia 11, Gomez de Liano 10, Muyang 8, Concepcion 4, Eguilos 4, Policarpio 2, Santos 2, Tungcab 0.
MACAU 124 – Cao 41, Perry 35, Lam 26, Chongqui 6, Chao 6, Y. Zhang 6, Ma 2, Zhang 2, Zhu 0, Liu 0.
Quarters: 34-21; 67-61; 109-96; 149-124
Second Game
BLACKWATER 89 — Barkley 26, Ilagan 20, Panopio 12, Barefield 10, Austria 5, Demusis 4, Una 4, Tratter 4, Murrell 2, David 2, Cruz-Dumont 0.
MAGNOLIA 81 — Buffen 32, Lastimosa 11, Sangalang 10, Lucero 8, Jopia 6, Barroca 6, Koon 2, Gomez de Liano 2, Dela Rosa 2, Alfaro 2, Lee 0, Andrada 0.
Quarters: 19-20; 44-38; 65-62; 89-81


