Umakyat sa P203.58 bilyon ang nakolektang buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong September 2026, mas mataas ng P20.06 bilyon o 10.93 porsiyento kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Ayon sa Malacañang, umabot sa P203.581 bilyon ang koleksiyon ng BIR sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Charlito Mendoza.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na nakatulong sa pagtaas ang boluntaryong pagsunod ng mga taxpayer sa kanilang obligasyon at mga hakbang ng BIR para gawing mas madali ang pagbabayad ng buwis.
Kabilang dito ang pagpapahusay ng serbisyo, pagpapasimple ng payment procedures at pagbibigay ng tulong sa mga taxpayer.
Ayon kay Castro, target ng BIR na hindi lamang maabot kundi malampasan ang collection targets nito sa pamamagitan ng mas mahusay na serbisyo at mas madaling proseso.
Samantala, tiniyak ng Palasyo na patuloy na babantayan ng Department of Budget and Management ang wastong paggamit ng pondo ng gobyerno.
Layunin umano ng administrasyon na mapalakas ang tax collection habang tinitiyak na napupunta ang nakokolektang buwis sa mga programa at serbisyong pampubliko. /Bistado


