Malaking bawas-presyo sa gasolina ang posibleng salubong sa mga motorista sa Martes, October 20, na maaaring umabot sa P5.50 kada litro.
Ayon kay Jetti Petroleum President Leo Bellas, inaasahang bababa ng P5.30 hanggang P5.50 kada litro ang gasolina, habang posibleng walang pagbabago o bahagyang tumaas ng hanggang P0.20 ang diesel.
Wala pang pagtaya para sa kerosene.
Kung matutuloy ang P5.50 rollback, makatitipid ng P220 sa 40 litrong gasolina at P275 sa 50 litro.
Kabilang sa mga dahilan ng inaasahang rollback ang pagluwag ng global fuel supply, emergency stock releases ng mga bansang miyembro ng International Energy Agency, kasunduan ng United States at Russia sa diesel supply, at muling pagpapahintulot ng China sa pag-export ng refined petroleum products.
Nakatulong din ang humihinang demand sa Asia at paglaki ng US gasoline inventories.
Gayunman, nananatiling pabagu-bago ang presyo ng langis dahil sa tensiyon sa Middle East.
Noong October 13, tumaas ng P1.56 kada litro ang gasolina at P1.77 ang kerosene, habang bumaba ng P3.01 ang diesel.
Batay sa Department of Energy, nasa P88.30 kada litro ang average na presyo ng regular gasoline sa Metro Manila noong October 6 hanggang 12, P93.70 sa diesel at P122.70 sa kerosene.
Bagaman malaking ginhawa ang inaasahang rollback, posibleng manatiling mataas ang gastos sa transportasyon ng mga produkto dahil walang katulad na malaking bawas sa diesel.
Ilalabas pa ng mga kumpanya ng langis ang pinal na price adjustments bago ipatupad sa Martes. /Bistado


