Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Typhoon Queenie nitong Linggo, September 27, at hindi na ito direktang makaaapekto sa lagay ng panahon sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Lumabas ng PAR si Queenie, na may international name na Surigae, bandang alas-11 ng umaga noong Linggo.
Matapos makalabas, huling namataan ang bagyo sa 865 kilometro hilagang-silangan ng extreme Northern Luzon. Taglay nito noon ang maximum sustained winds na 155 kilometers per hour at bugso na hanggang 190 kph habang kumikilos pahilagang-silangan sa bilis na 20 kph.
Pagsapit ng madaling araw nitong Lunes, lalo pang lumakas ang Surigae habang nananatili sa labas ng PAR. Bandang alas-3 ng madaling araw, nasa 1,055 kilometro hilagang-silangan na ito ng extreme Northern Luzon, taglay ang 175 kph na hangin at bugso na hanggang 215 kph.
Pero kahit wala na si Queenie, may ulan pa ring aasahan sa malaking bahagi ng Visayas at ilang lugar sa Mindanao dahil sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ).
Maulap na may kalat-kalat na ulan at thunderstorms ang Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, Palawan at Lanao del Sur. Nagbabala ang Pagasa sa posibleng flash floods at landslides kapag naging moderate hanggang heavy ang ulan.
Partly cloudy hanggang cloudy naman na may isolated rain showers o thunderstorms ang natitirang bahagi ng Mindanao.
Sa Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon, localized thunderstorms ang posibleng magdala ng isolated rain showers o thunderstorms. Posible rin ang flash floods at landslides kapag naging malakas ang thunderstorms.
Sa pinakahuling tala ng Pagasa, wala nang active tropical cyclone sa loob ng PAR. /Bistado


