Asahan ang mas mahal na plane ticket sa unang kalahati ng Agosto matapos itaas ng Civil Aeronautics Board (CAB) sa Level 13 mula Level 8 ang pinapayagang fuel surcharge sa mga biyahe.
Sa ilalim ng Level 13, maaaring maningil ng dagdag na P423 hanggang P1,237 sa domestic flights at P1,396.74 hanggang P10,385.42 sa international flights, depende sa layo ng destinasyon.
Malaking pagtaas ito mula sa Level 8 na ipinatutupad mula Hulyo 16 hanggang 31. Nasa P253 hanggang P787 ang surcharge sa domestic flights, habang P835.05 hanggang P6,208.98 naman sa international flights.
Ang fuel surcharge ay hiwalay na singil bukod sa base fare na maaaring kolektahin ng mga airline upang matugunan ang gastos dulot ng pabago-bagong presyo ng langis.
Gumagamit ang CAB ng 15-araw na price monitoring at implementation cycle sa pagtatakda ng fuel surcharge upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa gastos sa paglalakbay.
Ayon sa AirAsia Philippines nitong Martes, patuloy na malaki ang epekto ng tumataas na pandaigdigang presyo ng jet fuel sa operasyon nito.
“We continue to find ways to keep travel as accessible as possible without compromising the safety and reliability of flights,” ayon sa airline.
Sa Level 13, inaasahang sisingilin ang mga pasahero sa network ng AirAsia ng P1,237 hanggang P10,385.82, depende sa destinasyon.
Itinakda naman ng CAB sa P61.65 kada US dollar ang exchange rate na gagamitin sa pagkukuwenta ng fuel surcharge para sa Agosto 1 hanggang 15. /Bistado


