Humaharurot ang bentahan ng BYD electric vehicles kasabay ng mabilis na pagpapalawak ng ACMobility sa charging infrastructure, kung saan hawak na ng Ayala-led mobility group ang halos kalahati ng open-access EV charging network sa bansa.
Batay sa Department of Energy (DOE) data, 222 sa 492 fixed, open-access EV charging locations sa Pilipinas hanggang katapusan ng June ang pinatatakbo ng ACMobility, katumbas ng 45 porsiyentong market share.
Hawak din nito ang 542 sa kabuuang 1,246 charge points nationwide o 43.5 porsiyento.
Kasabay nito, nakabenta ang BYD Cars Philippines ng 28,399 sasakyan mula January hanggang August 2026, halos doble kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Nalampasan na rin sa loob lamang ng walong buwan ang 26,122 units na naibenta ng BYD sa buong 2025.
“Our goal at ACMobility is to help drive the Philippines’ shift to electric mobility by making EV charging accessible where people live, work, play and travel,” ani ACMobility head of mobility infrastructure Carla Buencamino.
Naglagay ang kumpanya ng chargers sa dealership network nito at nakipag-partner sa fuel stations, malls, residential at office developments, restaurants at retailers.
Itinutulak din ng ACMobility ang Philippine EV Spine na dinisenyong suportahan ang mas malalayong EV trips sa Luzon, Visayas at Mindanao bilang dagdag sa urban charging sites.
“By making EV charging accessible to owners of all vehicle brands and types, we are optimizing our infrastructure to power the country’s growing EV community,” ani Buencamino.
Bagama’t hindi charging infrastructure lamang ang nagtutulak sa paglago ng BYD sales, sabay na pagpapalawak ng dealerships at charging access ang tumutugon sa isa sa pangunahing hamon sa mas malawak na EV adoption: kung saan at kailan maaaring mag-charge ang mga sasakyan. /Bistado


