Sabik na ang TNT na muling ayusin ang kanilang laro sa pagbabalik ng PBA Governors’ Cup, habang target nitong mapanatili ang natitirang titulo ngayong taon.
Pumasok ang Tropang 5G sa conference break na nasa .500 mark lamang sa 4-4 sa Group A.
Natalo sila sa kanilang huling laro kontra NLEX sa overtime, 118-111, sa kabila ng pagkawala ng Road Warriors import na si Dequan Jones dahil sa bali sa binti at pagka-dislocate ng bukung-bukong.
Nagpahinga ng isang linggo ang TNT bago bumalik sa praktis noong Agosto 19.
Mahalaga kay coach Chot Reyes ang pag-adjust para sa pagbabalik ng liga sa Oktubre 7 kung saan sasabak silang muli kontra Terrafirma.
“It’s back to business. I think it’s the most important thing coming off an extended break, a long vacation,” ani Reyes.
Muling nakabalik sa aksyon si Calvin Oftana matapos maantala ng hamstring injury at galing sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa 20th Asian Games sa Nagoya, Japan. Nandoon din ang kakampi na si Brandon Ganuelas-Rosser.
Nakisama na rin sa team practice ang beteranong team leader na si Jayson Castro matapos magtamo ng injury sa bukung-bukong noong Game 6 ng Commissioner’s Cup finals kontra Barangay Ginebra.
Gayundin si import Rondae Hollis-Jefferson, na mukhang nasa maayos nang kondisyon matapos ang rehabilitation para sa ruptured right Achilles tendon na nagpahinto sa kanya nang halos isang taon.
Ang three-time Best Import ay nakapaglaro na para sa TNT sa kanilang friendly game kontra Jordan bago umalis ang mga bisita patungong Asian Games.
Magpapa-init pa ang TNT sa laban kontra Rain Or Shine Elasto sa PBA On Tour sa Candon City, Ilocos Sur sa Setyembre 26.


