Sinisilip ng Department of Agriculture (DA) ang paggamit ng dawa o millet bilang alternatibo sa mais para mapababa ang gastos sa pakain ng mga hayop at mapalawak ang kawan ng kalabaw, kasabay ng paghahanda sa epekto ng mga pagkaantala sa feed supply dulot ng pabago-bagong kondisyon ng panahon.
Ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., pinag-aaralan ng ahensya ang millet at iba pang feed ingredients matapos ang kanyang pagbisita kamakailan sa India. Tinitingnan ng DA kung may mapupulot ang mga livestock producer sa Pilipinas mula sa karanasan ng India sa pagtatanim ng millet na matibay sa tagtuyot.
Malaking bulto rin ng water buffalo meat ang kinukuha ng Pilipinas mula India kaya kabilang sa naging focus ng pagbisita ang livestock at dairy industry.
Grupo ng maliliit na butil na cereal grass ang millet na ginagamit bilang pagkain ng tao at hayop. Tumutubo ito sa medyo tuyong kondisyon at karaniwang nangangailangan ng mas kaunting tubig kaysa mais.
Mahalaga ito sa livestock industry dahil mais ang pangunahing sangkap sa pakain. Kapag tinamaan ang produksyon nito, posibleng tumaas ang feed cost.
Pero hindi pa awtomatiko ang malawakang paggamit ng millet. Kailangan pang tingnan ang ani, nutritional value, processing requirements at gastos bago ito maging malawakang alternatibo.
Kasabay nito, kumikilos ang DA para paramihin ang lokal na kalabaw at palakasin ang dairy industry.
Naglunsad ang Philippine Carabao Center (PCC) ng P237.9-milyong pasilidad na tinukoy bilang kauna-unahang laboratoryo sa mundo na eksklusibong nakalaan sa sex-sorting ng semilya ng kalabaw.
Sa pamamagitan ng flow cytometry, pinaghihiwalay ng laboratoryo ang sperm na may X at Y chromosomes na may tinatayang 90 porsiyentong accuracy. Dahil dito, maaaring piliin ng breeders ang babaeng anak para sa produksyon ng gatas o lalaki para sa karne at gawaing pang-araro.
Pinapreserba naman sa pamamagitan ng cryogenic preservation ang na-sort na semilya para magamit sa artificial insemination programs sa bansa.
Target ng PCC na makagawa ng humigit-kumulang 170,000 straw ng sex-sorted semen kada taon, pangunahin para dumami ang babaeng anak at mapalawak ang dairy herd.
Malaki ang kailangang habulin. Wala pang 5 porsiyento ng pambansang pangangailangan sa gatas ang natutugunan ng lokal na produksyon kaya umaasa pa ang Pilipinas sa imported dairy products at breeding stock.
Nakikita rin ang lokal na sex-sorted semen bilang paraan para mapababa ang acquisition cost, mabawasan ang panganib ng sakit mula sa mga hayop na galing ibang bansa at magkaroon ng breeding material na mas angkop sa lokal na kondisyon.
“Kapag kaya ng mga komunidad na magtanim, magproseso, at maggiling ng sariling pakain ng mga komunidad, napapababa natin ang gastos, napapataas ang produktibidad, at nagiging mas matatag ang ating food system,” ani Tiu Laurel.
Sa millet at pagpaparami ng kalabaw, target ng DA na tugunan ang livestock costs sa feed production habang pinalalawak ang lokal na kawan para sa produksyon ng gatas at karne. /Bistado


