Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DOE: Walang pang agarang solusyon sa Visayas power crisis

Wala pang agarang solusyon ang Department of Energy (DOE) sa power crisis sa Visayas, kung saan kakulangan sa generation capacity, outages ng mga planta at transmission constraints ang lumutang na pangunahing problema sa joint briefing ng Kamara.

Sa joint hearing noong Lunes, September 21, ng House Committee on Energy kasama ang Committees on Visayas Development at Legislative Franchises, inusisa ng mga mambabatas ang Yellow at Red Alerts sa Visayas grid at limitadong supply mula Luzon at Mindanao.

“Wala silang immediate solution,” sabi ni House Committee on Energy Chairman at Palawan Rep. Jose Alvarez matapos ang pagtatanong sa DOE.

“Bakit Red and Yellow? Bakit Mindanao plants di makasupply? Bakit Luzon di makasupply?” tanong pa niya.

Ipinaliwanag ni DOE Undersecretary Mario Marasigan na sabay-sabay na outage ng malalaking planta sa Mindanao ang nagpaliit sa supply na naipapadala sa Visayas. Sa 450-megawatt transfer capacity mula Mindanao, nasa 50 MW lamang ang kasalukuyang naipapadala. Limitado rin sa 250 MW ang transfer mula Luzon dahil sa transmission capacity.

Kulang din ang conventional at baseload generation sa Visayas, partikular sa Negros.

“Negros walang baseload except for isang geothermal. Puro renewable—solar. Kulang conventional plants,” sabi ni Marasigan.  “Pag may planta na nag-outage, kulang na po tayo,” dagdag niya.

Binigyang-diin din ni APEC Party-list Rep. Sergio Dagooc ang low-voltage conditions kapag mataas ang demand. Ayon sa Philippine Rural Electric Cooperatives Association, Inc. (PHILRECA), kaugnay ito ng manipis na supply at grid limitations, kabilang ang pagbaba ng boltahe sa 63-kilovolt transmission lines.

Iginiit ng PHILRECA na generation at transmission ang ugat ng problema at hindi ang electric cooperatives at distribution utilities. Ayon sa asosasyon, kinumpirma rin ng DOE na tumutugon ang ECs at DUs sa mga kinakailangan para mapanatiling stable ang grid.

Sa ngayon, nakatutok ang DOE sa pagbabalik ng mga plantang naka-outage.

“Ang importante, makabalik agad yung mga planta na naka-out,” ani Marasigan.

Nagbabala rin ang DOE sa posibleng Yellow at Red Alerts sa ikalawa at ikatlong linggo ng October dahil sa preventive maintenance.

Para sa pangmatagalan, pinag-aaralan ng DOE na hatiin ang Visayas sa Leyte-Samar, Cebu-Bohol at Negros-Panay subregions at lagyan ang bawat grupo ng sapat na generation capacity para matugunan ang kanilang electricity requirements.

“In our master plan, we have identified that a possible solution for the Visayas is to group the islands into subregions and install sufficient generating capacity in each subregion to sustainably meet the electricity requirements of the islands,” ani Marasigan.

Bukas din ang National Grid Corporation of the Philippines sa pagpapabilis ng Mindoro-Panay interconnection project.

Nanawagan naman ang PHILRECA para sa mabilis na pagtatayo ng mga planta at pagpapahusay sa grid operations para tugunan ang generation at transmission problems habang pinoprotektahan ang electric cooperatives at kanilang member-consumer-owners. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles