Sina Mayors Joy Belmonte at Vico Sotto ay “in a class of their own,” si Manila Mayor Isko Moreno pinakababad sa media, habang nasadlak sa “B-tier” si Makati Mayor Nancy Binay.
Ilan lang yan sa mga maiinit na findings na lumutang sa ginawang pagsusuri ng isang Reddit user sa public visibility at documented accomplishments ng 17 Metro Manila mayors.
Sa post sa r/makati, inilagay ng Reddit user na si “rip-jupiter” sa bukod na antas sina Quezon City Mayor Belmonte at Pasig City Mayor Sotto. Iniugnay ng Redditor ang kanilang puwesto sa mahigit 400 awards, United Nations recognition at US anti-corruption award na kabilang sa mga pagkilalang nakita niya sa kanyang research.
Kung dami naman ng media coverage ang pagbabasehan, si Mayor Moreno ang nanguna sa pagsusuri.
Pero may malaking caveat ang poster. Marami umano sa coverage kay Moreno ang nakasentro sa crisis response at hindi sa mga accomplishments sa governance. Ibig sabihin, hindi awtomatikong maituturing na accomplishment ang bawat headline o media appearance na nakuha ng alkalde.
Isa pang pangalan ang umagaw ng pansin.
Tinawag ng poster na pinakamalaking “sleeper” si Malabon Mayor Jeannie Sandoval. Batay sa survey na ginamit sa Reddit analysis, nanguna umano si Sandoval sa isang independent mayor trust survey, kahit pinatatakbo niya ang Malabon gamit ang budget na mas maliit kumpara sa Makati.
Samantala, hindi nakasabay sa pinakamataas na tier si Mayor Binay.
B-tier ang ibinigay sa kanya ng poster, kaparehong bracket ng Caloocan at Pasay.
Hindi naman sinabi ng pag-aaral na walang accomplishment si Binay. Kabilang sa inilista ng poster ang WWF Global Sustainability award, paglagda sa P21-bilyong budget at solar conversion ng city facilities.
Pero isang bagay ang kapansin-pansin para sa gumawa ng ranking.
Ayon sa poster, wala siyang nakitang signature year-in-review presentation na nagsasama-sama sa accomplishments ng administrasyon ni Binay, taliwas sa nakita niya sa ibang major cities. Mahalaga ito sa kanyang assessment dahil public documentation at visibility ang ilan sa pangunahing sukatan.
Mas tumindi pa ang contrast pagdating sa media coverage.
Ayon sa Reddit user, ang pinakamalakas na press cycle ni Binay sa panahong kanyang sinuri ay tungkol sa pagtanggi sa flood control scandal, at hindi dahil sa isang accomplishment.
Mismong poster ang umamin na subjective ang scoring at wala siyang pormal na media-monitoring system.
Dahil dito, hindi dapat basahin ang listahan bilang opisyal na sukatan kung sino ang pinakamahusay o pinakamahinang mayor. Public visibility at documented accomplishments ang pangunahing sinusukat, kaya posibleng maapektuhan ang resulta ng dami at kalidad ng impormasyong inilalabas ng bawat lokal na pamahalaan.
Pero sa sariling pagsusuri ng poster, malinaw ang naging hati: Sina Mayor Belmonte at Sotto ang inilagay niya sa sariling liga. At sa Makati, si Binay ay nanatili sa B-tier. /Bistado


