Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DA pabor sa P210 kada kilo farmgate price ng baboy, pero wala umanong poder magtakda ng floor price

Pabor ang Department of Agriculture (DA) sa mungkahing P210 kada kilo na farmgate price ng buhay na baboy habang bumabagsak sa P120 hanggang P160 kada kilo ang presyo sa ilang lugar.

Pero may malaking sagabal. Wala pang legal na kapangyarihan ang DA para magtakda ng mandatory floor price, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

“Ang nagmungkahi ng P210 kada kilo ay ang industriya, hindi ang DA,” ani Tiu Laurel. “Siyempre, sinusuportahan namin iyon dahil napakababa ng farmgate price ng baboy.”

Magkakaiba ang presyong nakukuha ng hog producers depende sa lugar, ngunit sinabi ng kalihim na nasa P120 hanggang P160 kada kilo lamang ang farmgate price sa ilang bahagi ng bansa.

Sa ngayon, target lamang ang P210 at hindi sapilitang presyo.

“Walang batas na umiiral. Walang batas na nagpapahintulot sa amin na magtakda ng floor price sa ngayon,” ani Tiu Laurel.

Kung magtatakda naman ang Pangulo ng price cap, kailangan umano itong dumaan sa legal at procedural process.

Habang walang floor price, tumitingin ang DA sa trade measures para matulungan ang local hog producers.

Nakikipag-usap si Tiu Laurel sa economic managers tungkol sa posibilidad na ibalik sa dating antas ang tariff sa imported pork. Isinasaalang-alang din ang pagtaas ng special safeguard duties, bagama’t hindi agad maipatutupad ang mga ito.

Hinigpitan din ang pagbabantay sa imported meat sa wet markets. Halos isang buwan nang nagsasagawa ng inspections ang National Meat Inspection Service (NMIS) at Bureau of Animal Industry (BAI), kabilang ang pagtiyak na nasa freezer ang imported meat na ibinebenta.

May mga nadiskubre sa inspections na hindi pumasa sa NMIS standards, ayon kay Tiu Laurel.

Binabantayan na rin ng DA ang galaw ng meat prices habang papalapit ang Pasko at karaniwang lumalakas ang demand.

“Kapag mas mataas ang demand, tumataas din ang presyo at dahil seasonal ito dapat ay nasa humigit-kumulang 1 porsiyento hanggang 3 porsiyento lamang.”

“Araw-araw, ’yun ang tinitingnan ko pagpasok ko sa opisina,” ani Tiu Laurel. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles