Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Hotshots, nilampaso ang Road Warriors sa Batangas exhibition

Kahit walang import, tinalo ng Magnolia ang NLEX, 95-81, sa PBA On Tour sa Batangas City nitong Sabado ng gabi.

Pinangunahan ni Javi Gomez De Liano ang tatlo pang Hotshots na nagtala ng double figures, matapos kumamada ng 16 puntos para ibigay kay coach LA Tenorio ang kanyang unang panalo laban sa kaibigan na si coach Jimmy Alapag.

Ito ang unang pagkakataon na nagharap bilang coach ang dalawang dating magkakampi sa Gilas Pilipinas.

Hindi pa sila nakatakdang magharap sa eliminations ng Governors’ Cup dahil nasa magkaibang grupo ang Magnolia at NLEX.

Malaki rin ang naging ambag para sa Magnolia ng mga guard na sina Mark Barroca at Jerom Lastimosa na kapwa nagtala ng 13 puntos, habang may 12 naman ang beteranong si Ian Sangalang.

Hindi naglaro para sa Hotshots ang import na si KJ Buffen.

Si Deonte Burton, na pumalit sa injured na si Dequan Jones, ay unang naglaro para sa Road Warriors ngunit nalimitahan sa 11 puntos.

Si Schonny Winston ang nanguna sa opensa ng NLEX na may 17 puntos, habang nagtala sina JB Bahio at Anthony Semerad ng siyam at pitong puntos.

Dalawang manlalaro ng Gilas Pilipinas ang hindi naglaro para sa kani-kanilang koponan — si Robert Bolick para sa NLEX at si Zavier Lucero para sa Magnolia.

Hindi rin naglaro para sa Magnolia si Paul Lee, ngunit dumalo sa Batangas City Sports Coliseum.

Sa huling laro ng Magnolia bago ang conference break para sa Gilas, kapwa nagtala ng career-high sina Buffen at Lastimosa upang pangunahan ang Hotshots kontra Phoenix Super LPG Fuel Masters, 115-101, para sa kanilang ikatlong sunod na panalo.

Nagpakawala si Buffen ng league-best na 35 puntos habang nagtala naman si Lastimosa ng personal-best na 30 puntos upang makabawi sa 86-98 pagkatalo nila sa Fuel Masters sa unang round sa Group B.

Dahil sa panalo, nagtabla ang Magnolia at Phoenix sa 4-3 para sa magkasalong ikalawang puwesto sa likod ng Rain or Shine (4-2) at bahagyang nauuna sa Blackwater (3-3).

Sinabi ni Tenorio na mahalaga ang panalo upang mapanatili ang momentum sa kabila ng mahabang bakasyon.

“Too bad we’re taking a break for nine weeks. Sayang ‘yung momentum namin. Nandoon na sana ang rhythm,” ani Tenorio noon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles