Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

PBBM pinabusisi Banga school shooting; baril, campus security, warning signs sisilipin

Masusing imbestigasyon sa pinagmulan ng baril, review ng school security at gun safeguards, at pagtanggal ng kumakalat na videos online ang ikinasa matapos ang madugong pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato. 

Pinatutukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung paano nakuha at naipasok ng menor de edad na gunman ang armas sa campus, habang kumikilos din ang Kongreso at mga ahensya para mapigilan ang panibagong insidente.

Tatlong estudyante ang nasawi, kabilang ang Grade 9 student na tinukoy ng pulisya bilang gunman, habang anim ang sugatan sa pamamaril sa loob ng classroom sa Barangay Benitez, Banga nitong Biyernes, September 18.

“Iniutos ko rin ang isang masusing imbestigasyon sa naganap na pamamaril ngayong araw, kabilang na kung paano nakakuha at nakapasok ang isang menor de edad ng baril sa loob ng paaralan,” ani Marcos.

Batay sa police investigation, 9mm Glock pistol na pag-aari ng ama ng gunman ang ginamit sa insidente. Matapos paputukan ang kanyang mga kaklase, binaril umano ng estudyante ang sarili sa ulo. Kinumpirma rin ng mga lokal na opisyal na ang ama ng gunman ang registered owner ng armas. 

Inatasan ni Marcos ang Department of Education (DepEd), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na magsumite ng report sa mga hakbang na ipinatupad matapos ang serye ng school shootings na kinasasangkutan ng minors.

Ikatlong deadly school shooting na naiulat sa bansa mula noong June ang insidente sa Banga, kasunod ng mga pamamaril sa Tacloban City at Zamboanga City.

“Hindi natin maaaring tanggapin na maging bahagi na lamang ng buhay ng ating mga anak ang mga pamamaril sa paaralan,” ani Marcos.

Tiniyak din ng Pangulo ang medical assistance para sa anim na sugatang estudyante.

“Karapatan ng ating mga anak na makapag-aral nang walang takot. Karapatan ng mga magulang na maipadala sila sa paaralan nang alam na uuwi silang ligtas. Ito ang pananagutan natin sa bawat pamilyang Pilipino,” sabi niya.

Sa Kamara, itinulak naman nina Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ang House Bill No. 11387 o Responsible Firearm Ownership and Safe Storage Act bilang agarang legislative response sa insidente. 

Target ng panukala na higpitan ang safe-storage requirements sa firearms, gawing mandatory ang gun-safety training at magtakda ng mas mabigat na penalties kapag nakakuha ng armas ang unauthorized persons.

Lumilikha rin ang panukala ng offense na “criminally negligent unauthorized access.” Sakop nito ang mga pagkakataong may legal na tungkulin ang registered owner o custodian na seguruhin ang baril ngunit nagpabaya, dahilan para makuha o magamit ito ng unauthorized person.

“This is a concrete step that we believe is necessary to prevent minors and other unauthorized persons from gaining access to firearms,” ani Dy.

Hindi lamang access sa baril ang gustong busisiin ng mga mambabatas. Nanawagan din ng review sa school security, mental health support, parental supervision, threat-reporting systems at posibleng warning signs bago mangyari ang karahasan.

“This cannot be our new normal,” ani Sen. Risa Hontiveros.

Hiniling naman ni Sen. Loren Legarda sa DepEd, PNP, DILG, at mga concerned local government na alamin kung paano nakapasok ang armas sa campus, kung may warning signs na hindi napansin, at kung saan nagkulang ang existing safeguards.

Pinababalikan din niya ang mga hakbang na ipinangako matapos ang Tacloban at Zamboanga shootings para matukoy kung alin ang naipatupad at kung bakit hindi napigilan ang panibagong insidente.

“Kung may batas ngunit hindi naipatutupad nang maayos, dapat managot ang nagpabaya. Kung may kakulangan sa batas, dapat itong punan ng Kongreso,” ani Legarda.

Kumilos din sa online space ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC). Nakipag-coordinate ito sa Meta para tanggalin ang kumalat na videos ng shooting at i-block ang accounts na nagbahagi ng material.

“Sa patuloy na koordinasyon ng CICC sa Meta, agad pong na-takedown ang mga kumalat na video ng insidente sa kanilang social media platforms, habang mabilis ding na-block ang mga account na nagbahagi ng nasabing material,” ani CICC Executive Director Renato “Aboy” Paraiso.

Patuloy na mino-monitor ng CICC Threat Monitoring Center ang online space para sa panibagong uploads. Nakikipag-coordinate rin ito sa social media, gaming at messaging platforms laban sa cyber-enabled threats at iba pang online harm.

Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Police Regional Office 12 at South Cotabato Police Provincial Office. Kabilang sa sentro ng probe ang access ng menor de edad sa baril, pagpasok nito sa paaralan, at ang buong pangyayaring humantong sa pamamaril. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles