Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

PNP: Usapin sa pera, posibleng motibo sa pagpatay sa babaeng isinilid sa ref

Pera ang isa sa mga anggulong sinisilip ngayon ng Philippine National Police (PNP) sa pagpatay sa babaeng natagpuang isinilid sa refrigerator sa inuupahang apartment sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal.

Ayon sa PNP, sinabi ng ama ng biktima sa mga imbestigador na may hawak umanong malaking halaga ng pera ang kanyang anak bago ito mapatay. Hindi inilabas ng mga awtoridad kung magkano ang naturang halaga.

“Money nga, yung pera lang na hawak daw ng babae. According to the father of the victim ay merong maraming, malaking pera yung babae,” ani PNP spokesperson Police Col. Allen Rae Co nitong Biyernes, September 18.

Nilinaw naman ng pulisya na posibleng motibo pa lamang ang usapin sa pera. Patuloy itong bineberipika at wala pang pinal na konklusyon ang mga imbestigador kung ito nga ang dahilan sa pagpatay.

Natagpuan ang bangkay ng babae noong Miyerkules, September 16, sa loob ng refrigerator sa apartment na bago lamang niyang inuupahan.

Batay sa imbestigasyon, nagsimulang umupa sa unit ang biktima at ang lalaking nagpakilalang live-in partner niya noong September 9. Hinihintay pa umano ng landlord ang pagpirma ng babae sa kontrata.

Nakita pa ng mga kapitbahay na buhay ang babae noong umaga ng September 10 nang tumanggap ito ng delivery. Pagsapit ng gabi, nakarinig umano sila ng malakas na kalabog na pinaniniwalaang posibleng mula sa pagkakatumba ng refrigerator.

Ilang araw na hindi makontak ng landlord ang mga umuupa. Nang puntahan nito ang apartment noong September 16, nakapansin ito ng masangsang na amoy at mga langaw sa paligid ng unit kaya humingi ito ng tulong sa pulisya.

Doon nadiskubre ang bangkay na nakabalot sa kumot at nakasiksik sa loob ng nakatumbang refrigerator.

Lumabas sa paunang imbestigasyon na sinakal umano ang babae gamit ang lubid bago isinilid ang katawan sa refrigerator. Nakarekober din ang mga imbestigador ng lubid na hinihinalang ginamit sa pagpatay.

Nauna ring sinabi ng Rodriguez Municipal Police Station na nagtamo ng bali sa leeg ang biktima at may marka sa kanyang leeg.

Sa simula ng imbestigasyon, naging problema rin ang pagkilala sa biktima. Naglabas ang Rodriguez police ng larawan at panawagan sa publiko para matukoy kung sino ang babae.

Sa inilabas na impormasyon noon, inilarawan siyang tinatayang 25 hanggang 30 taong gulang, nasa 5-foot-2 hanggang 5-foot-3 ang taas, maputi at balingkinitan ang pangangatawan.

Nanawagan ang pulisya sa sinumang nakakakilala sa babae na makipag-ugnayan sa Rodriguez PNP hotline.

Kalaunan, lumapit ang ama ng biktima matapos makita ang larawan sa social media. Nagpakita siya ng valid identification documents ng kanyang anak at kinilala ang bangkay.

Dalawang ID na unang narekober sa crime scene ang kalaunang natuklasang peke, ayon sa PNP. Sa naunang imbestigasyon, natukoy rin na peke ang driver’s license na isinumite ng lalaking kasama ng biktima sa landlord.

Dahil hindi na madaling makilala ang mukha ng bangkay, humiling din ng DNA examination para makumpirma ang pagkakakilanlan. May nakita ring identifying marks sa katawan na kinilala ng mga nagpakilalang kaanak.

Nakatutok ngayon ang manhunt sa lalaking nagpakilalang partner ng biktima. Itinuturing siya ng pulisya bilang person of interest at hinahanap pa ng mga awtoridad.

Lumitaw din sa police investigation na may outstanding warrant of arrest ang lalaki kaugnay ng serious illegal detention case.

Ayon sa PNP, kapwa naharap sa parehong serious illegal detention case ang biktima at ang kanyang partner. Nakapagpiyansa na umano ang babae bago ang kanyang pagkamatay, habang nananatiling at large ang lalaki dahil sa nakabinbing warrant.

Sinisilip din ng mga imbestigador kung may koneksyon ang naturang kaso sa pagpatay. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles