Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Alapag vs Tenorio, sa NLEX-Magnolia ng PBA On Tour

Maghaharap ang NLEX at Magnolia sa Batangas City ngayong Sabado sa Philippine Basketball Association (PBA) On Tour, tampok ang unang coaching showdown sa pagitan ng dating magkakampi sa national team na sina Jimmy Alapag at LA Tenorio.

Aabangan ang tagisan sa taktika ng dalawang alamat ng Gilas Pilipinas, bagama’t exhibition game lamang, sa Batangas City Sports Center sa ganap na alas singko ng hapon.

Kakabalik lamang ni Magnolia coach Tenorio mula sa Nagoya, Japan kasama ang Gilas Pilipinas men’s team na sumabak sa 20th Asian Games.

Bagama’t nasa kalagitnaan na ng elimination round ang Governors’ Cup, hindi pa nagkakaharap sina Alapag at Tenorio dahil kabilang sila sa magkaibang grupo. Ang Road Warriors ay nasa Group A habang ang Hotshots naman ay sa Group B.

Inaabangan ni Alapag ang muling pagkikita nila ng dati niyang backcourt partner sa national team.

“Siyempre (looking forward)” ani Alapag. “Me and LA have a long history together.”

Magkasamang naglaro ang dalawang magkaribal na guard noong kampanya ng Gilas Pilipinas sa 2013 FIBA Asia Cup, kung saan runner-up ang Pilipinas sa likod ng Iran at nakakuha ng pagkakataong muling makalaro sa FIBA World Cup matapos ang 36 na taon.

Sa Seville, Spain, lalo pang pinatibay ng dalawa ang kanilang samahan sa naging kampanya ng Gilas sa 2014 World Cup.

Nang simulan ni Tenorio ang kanyang coaching career sa PBA ngayong season, sinundan naman ito ni Alapag nang siya ay maupo bilang head coach ng NLEX matapos ang anim na taong trabaho sa coaching staff ng Sacramento sa National Basketball Association at G. League sa Amerika.

“We have so many experiences competing against each other, playing for the country together,” ani Alapag.

Minsan na rin siyang dinalaw ni Tenorio sa Sacramento.

Ang laban ay ikalawa para sa Road Warriors sa PBA On Tour. Natalo sila sa Blackwater Bossing, 109-107, noong Setyembre 9 sa City of San Jose, Del Monte, Bulacan.

Magpapatuloy ang PBA sa Oktubre 7 matapos bigyang daan ang kampanya ng Gilas sa FIBA World Cup qualifiers at Asian Games.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles