Mas mabigat ang laban. Mas mahirap ang mga desisyon. At mas matindi ang pagsubok sa pag-ibig sa huling dalawang linggo ng “My Bespren Emman” at “A Secret in Prague” sa TV5.
Matapos ang mga kuwentong puno ng pamilya, sakripisyo, pagkakaibigan, pag-ibig at tadhana, papunta na sa kanilang meaningful endings ang dalawang serye. Tutukan ang “My Bespren Emman” weekdays at 2:30 PM at “A Secret in Prague” weekdays at 9:30 PM sa TV5.
Sa “My Bespren Emman,” haharap si Mateo (JM De Guzman) sa kanyang HULING LABAN — ang pinakamalaki at pinaka personal niyang misyon na magdidikta hindi lamang sa kanyang kinabukasan, kundi pati sa kapalaran ng kanyang buong pamilya.
Kasama niya sa pinakamabigat na laban ang kanyang asawang si Ruth (Shaina Magdayao), na masusubok din ang pagmamahal at paninindigan para kay Mateo habang inilalagay ng huling misyon nito sa peligro ang lahat ng kanilang ipinaglaban. Habang nahahati si Mateo sa pagprotekta sa kanyang pamilya at pagharap sa mga taong naging dahilan ng kanilang paghihirap, kailangan ding harapin ni Ruth ang posibilidad na may napakalaking kapalit ang kagustuhan ng kanyang asawa na tapusin ang laban.
Ngayong nakataya na ang lahat, ano ang pipiliin ni Mateo: paghihiganti o ang sundin ang kagustuhan ni Emman? At matutulungan ba siya ni Ruth na piliin ang kinabukasang maaari pa nilang pagsaluhan kaysa sa sakit ng nakaraan?
Habang papalapit nang papalapit ang panganib, gagawin ni Mateo ang lahat para mailigtas si Ruth at ang mga taong pinakamamahal niya. Pero kung lahat sila ay nasa peligro, kaya ba talaga niyang iligtas ang lahat — pati ang kanyang sarili?
Samantala, mula Prague, tutungo naman sa Italy ang huling bahagi ng kuwento ng “A Secret in Prague.”
Matapos ang mga sikreto, sakripisyo at mahihirap na desisyong pinagdaanan nila, haharap na sina Chiara (Andrea Brillantes) at Mikoy (Enrique Gil) sa pinakamahalagang tanong tungkol sa kanilang pagmamahalan: kapag kailangan na nilang piliin ang sarili nilang mga tadhana, may lugar pa rin ba sila sa buhay ng isa’t isa?
At sa huling yugto ng kanilang journey, magiging bahagi rin sina Mama Yaya (Lorna Tolentino) at Rahmboy (Dylan Menor). Sila ba ang tutulong kina Chiara at Mikoy para mahanap ang lasting happiness na matagal nilang ipinaglaban — o sila rin ang magiging dahilan para hindi ito mangyari?
At higit sa lahat: Mabubunyag na nga ba sa wakas ang Secret in Prague? At kapag lumabas na ang buong katotohanan, sino ang handang harapin ang consequences nito?
Sa kanilang final two weeks, mas titindi ang lahat ng sinimulan ng “My Bespren Emman” at “A Secret in Prague” — ang mga tanong ay magkakaroon na ng sagot, ang mga relasyon ay hahantong sa pinakamahihirap na pagpili, at ang bawat sakripisyo ay magkakaroon ng kapalit.
Dahil sa huli, hindi lang tungkol sa pagkapanalo ang pinakamalaking laban, at hindi lang tungkol sa pagkakatuluyan ang tunay na love story. Nasa mga desisyong ginagawa natin para sa mga mahal natin — at kung paano tayo magpapatuloy pagkatapos magbago ang lahat — ang tunay na kahulugan ng isang pagtatapos.
Tutukan ang HULING LABAN ng “My Bespren Emman,” weekdays at 2:30 PM, at ang huling biyahe at pagbubunyag ng “A Secret in Prague,” weekdays at 9:30 PM, only on TV5.


