Suportado ng Child Rights Network (CRN), ang pinakamalawak na alyansa ng mga child-focused organizations sa bansa, ang mas ligtas na social media para sa mga bata, pero tutol ito sa mga restriksiyong maaaring humarang sa kanilang karapatan.
Sa pahayag noong Setyembre 17, pinuri ng CRN ang pinakabagong bersiyon sa Kamara ng Children’s Social Media and Online Gaming Safety Bill dahil inuuna nito ang ligtas na mga platform kaysa tuluyang pagbabawal sa social media.
Pero kinuwestiyon nito ang obligadong paghingi ng pahintulot ng magulang.
“We oppose a blanket parental consent requirement for children’s access to social media,” anang grupo.
Babala ng grupo, maaari nitong hadlangan ang paghingi ng tulong online ng mga batang nakararanas ng pang-aabuso o emergency. “Not every child has safe, non-abusive, or available parents.”
Posible rin umanong gumamit ang mga bata ng pekeng edad, hiram na account o mapanganib na website para makalusot.
Tutol din ang CRN sa pagbabawal sa maiikling video o reels na ginagamit ng kabataan sa pag-aaral, pagpapahayag at pakikilahok sa mga talakayan. “The problem is harmful content, not the format.”
Giit ng grupo, pangunahing responsibilidad ng mga platform na gawing ligtas ang kanilang serbisyo. Patuloy umano nitong isusulong sa Kongreso ang proteksiyon online na gumagalang sa karapatan ng mga bata. /Bistado


