Timbog ang dalawang lalaki habang umabot sa P2.397 milyon ang halaga ng petroleum products, kagamitan at sasakyang nasamsam sa operasyon laban sa unauthorized fuel trading sa Tarlac City nitong Huwebes.
Sinalakay ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Tarlac Provincial Field Unit ang isang fuel distribution site sa Barangay San Rafael, katuwang ang Tarlac City Police Station at Police Intelligence Unit ng Tarlac Police Provincial Office.
Naaresto ang dalawang lalaki, kabilang ang isang 28-anyos, matapos umanong mahuling nagbebenta ng diesel nang walang kinakailangang permit o lisensya mula sa Department of Energy (DOE).
Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang isa pang indibidwal na tinukoy sa police report bilang proprietor.
Nasamsam sa operasyon ang tinatayang 8,000 litro ng diesel mula sa isang fuel tanker at isa pang drum na naglalaman ng humigit-kumulang 200 litro.
Narekober din ang fuel pumps, hoses at iba pang gamit na umano’y ginagamit sa unauthorized fuel trading. Isinailalim din sa police custody ang isang tractor head at fuel tanker.
Umabot sa tinatayang P2.397 milyon ang kabuuang halaga ng nakumpiskang petroleum products, equipment at vehicles.
Dinala ang mga naarestong suspek at nakumpiskang items sa CIDG Tarlac Provincial Field Unit para sa dokumentasyon.
Inihahanda na rin ang kaukulang mga reklamo para ihain sa Tarlac City Prosecutor’s Office. /Bistado


