Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

P74.4-M palay processing hub, binuksan ng DA sa Cabanatuan; 4K farmers makikinabang

Mas mabilis na pagpapatuyo at paggiling ng palay ang aasahan ng mahigit 4,000 magsasaka matapos buksan ng Department of Agriculture (DA) ang P74.4-milyong Rice Processing System III sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Pormal na pinasinayaan nitong Huwebes, September 17, ang pasilidad na target bawasan ang postharvest losses, pagandahin ang kalidad ng bigas at pataasin ang kita ng mga magsasaka.

Pinondohan ang proyekto sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program at ipinagkatiwala sa Cabanatuan City government sa pamamagitan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech).

Mayroon itong modernong multi-stage rice mill na kayang magproseso ng apat hanggang limang tonelada kada oras.

Kasama rin ang tatlong recirculating dryer na may kapasidad na tig-12 tonelada kada batch.

Aabot sa 4,060 magsasaka na nagbubungkal ng humigit-kumulang 8,976 ektarya ng palayan sa Cabanatuan ang inaasahang makikinabang.

“Ang tunay na pag-unlad ng agrikultura ay hindi lamang nasusukat sa dami ng ani na bigas, kundi sa ginhawa at kasaganaan na naidudulot nito sa hapag ng bawat pamilyang magsasaka,” ani Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr.

Sa pagkakaroon ng drying at milling facilities na mas malapit sa mga sakahan, target na mabawasan ang pagkalugi pagkatapos ng anihan at mapanatili ng farmers ang mas malaking bahagi ng halaga ng kanilang produkto.

Maaari rin nitong mabawasan ang pangangailangang agad ibenta ang palay pagkatapos ng anihan dahil mas accessible na ang postharvest processing.

Mahalaga ang proyekto sa Nueva Ecija, na nangungunang rice-producing province sa bansa at isa sa pangunahing pinagkukunan ng suplay ng bigas.

Sa ilalim ng RCEF Mechanization Program, ipinagkakaloob ang farm machinery at postharvest equipment sa qualified farmers’ cooperatives, associations at local governments upang mapataas ang productivity, profitability at competitiveness.

Pinalawig hanggang 2031 ang programa sa ilalim ng amendments sa Rice Tariffication Law, habang itinaas ang taunang allocation mula P5 bilyon patungong P9 bilyon.

Bahagi ang bagong pasilidad ng modernization drive ng pamahalaan para pababain ang production at postharvest costs, palakihin ang kita ng farmers at palakasin ang food security. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles