Aprub na sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang rental pool program ng Arthaland Corporation na sumasaklaw sa 166 consolidated leasing agreements para sa commercial units sa Cebu City at Taguig City.
Sa meeting nitong Martes, September 15, nagpasya ang SEC Commission En Banc na gawing effective ang registration statement ng Arthaland para sa Consolidated Leasing Solution (CLS) Program, subject sa pagtupad ng kumpanya sa natitirang requirements.
Sa 166 leasing agreements, 142 units ang nasa isang property project sa Cebu City habang 24 units naman ang nasa isang development sa Taguig City.
Inilunsad ng Arthaland ang CLS Program upang mapalawak ang accessibility at leasing visibility ng mas maliliit na office units sa ilang developments nito.
Sa ilalim ng programa, magsisilbing exclusive leasing agent ang Arthaland ng maraming unit owners. Pagsasama-samahin ang piling commercial units sa designated lease pool floors at iaalok ang mga ito bilang isang leasable space.
Awtomatikong masasali sa CLS Program ang commercial unit na binili sa isang lease pool floor.
Kapag pinaupahan ang mga unit na sakop ng programa, makatatanggap ang bawat unit buyer ng pro-rata share sa net rental income.
Inaprubahan ang programa sa ilalim ng streamlined guidelines ng Securing and Expanding Capital in Real Estate Non-Traditional Securities (SEC RENT).
Ipinatupad sa pamamagitan ng SEC Memorandum Circular No. 12, Series of 2024 ang SEC RENT upang pabilisin ang registration process para sa securities ng real estate companies na nag-aalok ng investment contracts sa pamamagitan ng rental pool arrangements.
Sa ganitong setup, nagbebenta ang developer ng units sa mga real estate project gaya ng condominiums, hotels o resorts. Isinasama naman ng buyers ang kanilang units sa rental pool na pinamamahalaan ng kumpanya o third-party operator kapalit ng bahagi sa kikitain mula sa pagpapaupa sa ibang parties. /Bistado


