Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DA, PhilSA gagamit ng satellite, AI para palakasin food security

Kakampi na ng mga magsasaka ang teknolohiya mula sa kalawakan matapos magsanib-puwersa ang Department of Agriculture (DA) at Philippine Space Agency (PhilSA) para gumamit ng satellite data at artificial intelligence (AI) sa pagpapalakas ng food security.

Sa limang taong partnership, gagamitin ang Earth observation, geospatial information at space-based technologies para mas mabilis na matukoy ang pinsala sa sakahan, bantayan ang pananim, baha at tagtuyot, at mapahusay ang irrigation planning at crop yield estimates.

“Sa kalawakan, nakikita ng satellite ang isang baha. Sa lupa, nakikita naman ng magsasaka ang nawalang ani. Tungkulin nating pag-ugnayin ang dalawang pananaw na iyon,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Pwede ring gamitin ang teknolohiya sa pag-monitor ng crop pests at diseases, kondisyon ng lupa at fisheries, pati sa pagtukoy ng mga lugar na potensyal para sa fishing at aquaculture.

Target ding gamitin ang satellite mapping para matukoy kung saan natural na dumadaloy at naiipon ang baha. Posibleng saluhin at iimbak ang sobrang tubig upang magamit sa panahon ng tag-init o tagtuyot.

“Ang ilan sa mga tubig na itinuturing nating panganib ngayon ay maaaring maging mapagkukunan para sa agrikultura,” sabi ni Tiu Laurel.

PhilSA ang magbibigay ng satellite data at technical expertise sa pagkuha, pagproseso at pagsusuri ng Earth observation information. DA naman ang mangangalap ng aktuwal na datos sa mga lugar at magbeberipika ng satellite-based findings.

Magpapakalat din ang DA ng field validators para sa ground-truthing upang masiguro ang accuracy ng impormasyon.

“Gaano man ka-advanced ang ating mga satellite, kailangan pa rin natin ng taong nasa lupa upang kumpirmahin na ang nakikita natin ay talagang isang sakahan,” ani Tiu Laurel.

Walang paglilipat ng pondo sa ilalim ng kasunduan. Bawat ahensya ang sasagot sa sarili nitong incidental expenses maliban kung may ibang itatakda sa hiwalay na implementing agreement.

“Sa huli, tungkol ito sa paggamit ng teknolohiya upang palakasin ang seguridad sa pagkain at mapabuti ang buhay ng ating mga magsasaka at mangingisda,” ani Tiu Laurel. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles