Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Batay sa SALNs: Net worth ni VP Sara lumobo ng 1,260.68% mula 2007

Lumobo ng 1,260.68 porsiyento ang declared net worth ni Vice President Sara Duterte mula 2007 hanggang 2025, habang walang specific cash entries sa kanyang pitong sunod na Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) mula 2019 hanggang 2025.

Ito ang lumitaw sa pagsusuri ng mga SALN ni Duterte na pinagtibay na totoo ni Office of the Ombudsman records official Atty. Karen Batu sa ika-25 araw ng Senate impeachment trial nitong Martes.

Mula P7,250,497 noong 2007, umakyat sa P98,656,131.20 ang declared net worth ni Duterte noong 2025. 

Katumbas ito ng P91,405,634.20 na dagdag sa loob ng 18 taon.

Noong 2021, bago maging Bise Presidente si Duterte noong June 2022, nasa P65,308,841 ang kanyang declared net worth. Pagsapit ng 2025, nadagdagan ito ng P33,347,290.20.

Sinilip din sa paglilitis ang cash declarations ni Duterte. Walang specific cash entry sa pitong annual SALNs mula 2019 hanggang 2025. Apat dito, mula 2022 hanggang 2025, ang sumasaklaw sa kanyang panunungkulan bilang Bise Presidente.

Tinalakay rin ang business interests at shares na dapat ilagay sa personal property portion ng SALN. Walang declared shares sa personal property entries noong 2016 hanggang 2018, 2019 hanggang 2021, at 2024 hanggang 2025.

Sa hiwalay na business interest table ng 2025 SALN, nakalista naman sa pangalan ni Duterte ang Metro City Chow Foods Corp. at GenCorp Industries Inc. Hiwalay ding nakatala ang business interests ng kanyang asawang si Manases Carpio.

Sa SALN form, kabilang ang shares sa personal property kung saan hinihingi ang acquisition cost.

Tinalakay din ang foreign currency assets. Sa ilalim ng Section 35 ng Civil Service Commission Omnibus Rules on SALN, kino-convert ang mga ito sa Philippine peso equivalent para sa disclosure.

Nilinaw naman ni Batu kung saan karaniwang idinedeklara ang bank deposits sa SALN.

“Generally, your honor, bank deposits are declared under personal properties,” ani Batu.

Bahagi ang pagsusuri sa SALNs ng pagpresenta ng ebidensya sa Article II ng impeachment case, na kinabibilangan ng alegasyon ng unexplained wealth laban kay Duterte.

Paglilinaw ng prosekusyon, ang pagtaas ng declared net worth ay hindi pa awtomatikong katumbas ng unexplained wealth. Kailangan itong ihambing sa suweldo at iba pang lawful income upang matukoy kung maipapaliwanag ang pagtaas ng yaman. 

Itinanggi ni Duterte ang mga alegasyon laban sa kanya. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles