Ang Tokyo Olympian na si Kurt Barbosa at world junior champion na si Tachiana Mangin ang mangunguna sa kampanya ng Pilipinas na wakasan ang tagtuyot sa gintong medalya ng taekwondo sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Hangad ni Barbosa na ipagpatuloy ang kanyang dominasyon sa Southeast Asian Games (SEAG) sa quadrennial regional meet.
Gold medalist sya sa SEAG noong 2019, 2021 at 2023, at bronze medalist noong 2025 — lahat sa -54kg (finweight).
Umaasa naman si Mangin, 18, sa kanyang pagkapanalo ng gintong medalya sa Thailand SEAG noong nakaraang taon sa pagsabak sa women’s 49kg kyorugi.
Mula nang isama ang taekwondo noong 1986 sa South Korea, nakapagwagi na ang mga Filipino jins ng kabuuang apat na silver at 25 bronze medals.
Ang huling silver medal ng Pilipinas ay nakuha noong 2006 Doha edition sa pamamagitan nina Tshomlee Go at Toni Rivero.
Bagama’t nakaharap na niya ang ilan sa kanyang mga makakalaban sa Asiad sa mga nakaraang torneo, inamin ni Mangin na naroon pa rin ang pressure bilang first-timer sa Asiad.
“Talagang magagaling po sila,” ani Mangin. “May pressure po, pero ‘yun nga bilang first time ko rin mag-Asian Games, humuhugot po ako ng inspirasyon sa mga kasama ko, kila Kuya Kurt, lalo na sa family ko. Excited na po ako mag-compete.”
Samantala, nais ni Barbosa na makabawi matapos ang maagang pagkakatanggal sa 2022 edition sa Hangzhou, China.
“We believe naman na kaya naman basta we just trust ourselves, talagang pinaghandaan namin ‘tong Asian Games,” ani 27-anyos na si Barbosa, na nagsanay sa South Korea.
“Sobrang laki ng pinagbago ngayon lalo na sa mga ruling so we don’t give up basta may time pa, [may] malaking chance po talaga na manalo tayo.”
Sa paggabay ng beteranong coach na si Carlos Padilla, kasama rin sa Team PH sina Jeus Gabriel Yape, Baby Jessica Canabal, Juliana Candelaria, Laila Delo at Dave Cea.
“I’ll just do my best, alam ko prepared ako, katawan ko, ‘yong mental ko, spiritual ko, and sa family ko support talaga pati mga teammates ko. Sa kanila ako humuhugot, lalo sa mga anak ko,” ani Barbosa.


