Magpapatuloy ang Philippine Basketball Association (PBA) On Tour ngayong weekend sa probinsya ng Isabela.
Makakaharap ng co-leader sa Governors’ Cup na San Miguel Beer ang Phoenix ngayong Sabado sa Ilagan City, habang sasagupain naman ng Meralco ang Converge sa Santiago City sa Linggo.
Nakatakda ang parehong laro alas-6 ng gabi.
Hindi maglalaro para sa Beermen ang import na si George King at mga pangunahing manlalaro na sina June Mar Fajardo, CJ Perez at Don Trollano.
Nasa Amerika pa rin si King para sa maikling bakasyon matapos dumalo sa kaarawan ng kanyang anak.
Nagbabakasyon din sina Fajardo at Perez matapos ang kanilang pagsabak sa Gilas Pilipinas sa katatapos lamang na window ng Asian qualifiers para sa FIBA World Cup.
Samantala, kasama si Trollano ng Philippine team na lumalahok sa 20th Asian Games sa Nagoya, Japan.
Gayunman, nasa three-game winning streak ang Beermen bago pansamantalang nagpahinga ang liga para sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup qualifiers at sa Asiad meet.
Kasalo ng Beermen ang NLEX Road Warriors sa tuktok ng standings na may 7-2 record bago ang season break kalagitnaan ng Agosto.
Sa Linggo, maghaharap ang Bolts at FiberXers sa isang tune-up match matapos silang parehong magtala ng magkaibang resulta sa kanilang huling laro.
Tinalo ng Meralco ang Barangay Ginebra, 97-88, habang nilampasan naman ng Converge ang NLEX, 112-110, sa parehong playdate noong Agosto 14.
Kapwa rin hindi kumpleto ang lineup ng dalawang koponab.
Wala sa FiberXers ang mga higante na sina Justin Arana at Justin Baltazar, habang hindi rin kasama ng Bolts ang center na si Brandon Bates.
Sina Arana, Baltazar at Bates ay pawang kasama ng Gilas team sa Asiad.
Magpapatuloy ang “Tour” sa Setyembre 19 sa Batangas City sa paghaharap ng Magnolia at NLEX, bago tapusin ang buwan sa sagupaan ng defending champion TNT at Rain Or Shine sa Candon, Ilocos Sur sa Setyembre 26.
Blackwater at NLEX ang nagbukas ng serye ng mga tune-up match noong nakaraang Miyerkules sa City of San Jose Del Monte, Bulacan, kung saan nanalo ang Bossing, 109-107.


