Ipapatupad na ang Unified Persons with Disabilities Identification System (UPWDIS) na magbibigay ng standardized at digital identification card sa mga kwalipikadong person with disability (PWD) sa buong bansa.
Sa ilalim ng National Council on Disability Affairs (NCDA) Administrative Order No. 001, series of 2026, magkakaroon ng centralized database para sa issuance at verification ng PWD IDs upang matugunan ang fraud at duplicate identification cards.
Magkakaroon ng QR code ang digital Unified PWD ID para mas madaling ma-validate ang pagkakakilanlan ng cardholder at ang kanyang access sa mga benepisyo at pribilehiyong nakasaad sa umiiral na mga batas.
Layunin din ng sistema na maprotektahan ang karapatan at dignidad ng mga PWD at matiyak ang kanilang access sa targeted support.
Local government units (LGUs) ang mangangasiwa sa application, approval, issuance at distribution ng physical Unified PWD IDs sa pamamagitan ng kanilang Persons with Disability Affairs Offices (PDAO) at social welfare offices.
Pwede ring i-print ng LGU ang digital ID kapag kailangan o hiniling ng PWD.
Para naman sa mga nasa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs), magkakaroon ng mobile registration. Magbibigay din ng assisted registration services sa mga hindi kayang personal na pumunta sa registration centers.
Unang inilunsad bilang pilot program ang Unified PWD ID noong September 2025 matapos sanayin ang mga local worker sa paggamit ng UPWDIS.
Pagsapit ng September 2026, nasa 959 LGUs na ang nasanay at nakakonekta ang kanilang databases sa UPWDIS portal.
Nakatakda ring magsagawa ng rollout sa mga pangunahing lalawigan sa Luzon at Visayas mula September hanggang kalagitnaan ng October upang makumpleto ang nationwide synchronization.
Pinapayuhan ang mga PWD na nais kumuha ng Unified ID na magparehistro sa kanilang PDAO o City/Municipal Social Welfare and Development Office. /Bistado


