Ngayong Linggo na sa ganap na ika-10 ng gabi magsisimula sa Kapuso channel GMA 7 ang Gandang Gabi Vice.
Siyempre kailangang pasabog ang unang guest sa pilot episode na uupo at makikipagtawanan, kuwentuhan, harutan at magbibigay ng revelation sa itinuturing ngayong Queen of All Network na si Vice Ganda.
“Actually siya (Alden Richards) ang nagmessage sa akin na game siya makipag-bardagulan sa akin. Siyempre excited ako dahil sabi ko nga, with now GMA 7 as my new home for GGV, mas malawak na ito at mas keri ng i-guest ko yung mga gaya ni Alden na dream ko ding makahuntahan,” saad ni Vice.
Sa kanyang panig naman ay aminado ng si Alden na noong nabalitaan niyang sa GMA 7 na ipapalabas ang nooý pinapanood lang niyang show, “agad talaga akong nag-prisinta na game ako. I have been watching meme Vice’s show kahit noon pa at pinapangarap ko ding one day na sana ay makapag-guest ako diyan. Eto na yun.”
Tatak ng programa ang pagiging maurirat at magtanong ng mga out of this world questions sa mga bisita nito kaya’t sa mga nagsasabing wala na daw tayong hindi pa nalalaman sa isang Alden Richards, “naku, try ninyong panoorin this Sunday. Nakakagulat ang mga kuwento niya at revelations,” hirit pa ni Vice.
Samantala, hindi naman napag-usapan at wala ding nangahas magtanong sa magiging back-to-back timeslot nina Kapuso top executive and award-winning broadcast journalist Jessica Soho at Vice Ganda.
Mauunang umere at 8:15 ang Kapuso Mo Jessica Soho at sa 10pm naman papasok si Vice. Kapwa ‘taped’ na ang mga programa nila.
Sasamahan si Vice Ganda sa bagong season ng show ni Kapuso star Vince Maristela at mga komedyanteng sina Divine Tetay at Verna at tatawagin silang Geng Gang.


