Haharapin ni dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga alegasyon laban sa kanya sa korte at wala siyang hinihinging espesyal na pagtrato kundi ang due process at patas na paglilitis na ibinibigay sa bawat Pilipino, ayon sa kanyang abogado na si Atty. Ade Fajardo.
Ito ang iginiit ng kampo ni Romualdez kasunod ng paghahain ng Office of the Ombudsman nitong Lunes, September 7, ng kasong plunder sa Sandiganbayan laban sa dating Speaker at tatlong iba pa kaugnay ng umano’y kickbacks mula sa flood control at iba pang government projects.
“We respect the courts and the legal process. Representative Ferdinand Martin G. Romualdez will face the allegations against him in accordance with law,” ani Fajardo.
Kasama ring kinasuhan sina dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, Joselyn Traguia Serenio at Samchan Foreign Exchange Corp. president Felicito Cristobal Guevarra.
Sa information na inihain sa Sandiganbayan, inakusahan sina Romualdez at Co ng umano’y pagtanggap, direkta o hindi direkta, ng commissions, shares, percentages, kickbacks, “commitments” at iba pang pecuniary benefits na hindi bababa sa P7.44 bilyon mula 2022 hanggang 2025. Itinanggi ni Romualdez ang anumang wrongdoing.
Binigyang-diin ni Fajardo na bagama’t kinikilala nila ang malaking interes ng publiko sa kaso, sa korte at batay sa ebidensya dapat matukoy kung may criminal liability ang dating Speaker.
“We recognize the public interest surrounding this case. But ultimately, criminal liability must be determined by the evidence presented in court, under the rules and safeguards of our justice system,” sabi ni Fajardo.
“Representative Romualdez asks for no special treatment. He asks only for the same due process and fair hearing guaranteed to every Filipino,” dagdag niya.
“Katotohanan, ebidensya, at patas na proseso ang dapat manaig,” giit pa ni Fajardo.
Kasunod ng paghahain ng kaso, naglabas ang Sandiganbayan Third Division ng warrant of arrest laban kay Romualdez. Isinilbi ito ng mga awtoridad sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City noong Lunes ng gabi, kung saan siya na-confine.
Sumailalim din siya sa booking procedures, kabilang ang fingerprinting at pagkuha ng mugshot.
Nasa police custody na si Romualdez habang nananatili sa ospital.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, nakaranas ang dating Speaker ng cardiovascular event, unstable blood pressure at anxiety attack. Sinabi rin ni Remulla na nagkaroon si Romualdez ng transient ischemic attack noong Hulyo.
Humiling ang kampo ni Romualdez sa Sandiganbayan na payagan siyang manatili sa Cardinal Santos habang kinakailangan ang inpatient confinement at hanggang ideklara ng kanyang mga doktor na maaari na siyang ilipat. Iginiit sa mosyon na medical necessity ang batayan ng kahilingan at mananatili siyang nasa lawful custody at ilalim ng supervision ng korte.
Hindi pa pinal ang kahilingan para sa patuloy na hospital confinement. Itinakda ng Sandiganbayan sa September 10 ang pagdinig upang matukoy kung kinakailangan siyang manatili sa ospital at inatasan siyang personal na humarap sa korte.
Samantala, sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hihilingin nito sa Sandiganbayan na mailipat si Romualdez sa Philippine National Police General Hospital sa Camp Crame kapag pinahintulutan ng korte. Habang nasa Cardinal Santos, may dalawang armadong bantay sa labas ng kanyang kuwarto 24 oras kada araw at limitado ang kanyang paggalaw sa loob ng ospital.
Kaparehong paggalang sa ligal na proseso ang ipinahayag ng Malacañang.
“Ang sa Pangulo naman po ay kung sino po ang dapat na managot ay dapat na panagutin. Kung sinuman po iyan –kamag-anak, kaibigan, kaalyado o kalaban sa politika,” ani Palace Press Officer Claire Castro.
“Kung ano po ang isinisigaw ng ebidensiya dapat lamang po itong mailahad,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ng Palasyo na magkakaroon ng pagkakataon ang mga kinasuhan na magharap ng ebidensya at ipagtanggol ang kanilang sarili.
“At iginagalang po natin ang aksiyon ng Ombudsman dahil ito naman po ay nasa kanilang mandato,” sabi ni Castro.
Sinabi rin ni Remulla nitong Martes na walang naging intervention si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pag-aresto at detention ng kanyang pinsan. Ayon sa kalihim, wala siyang natanggap na anumang instruction mula sa Pangulo kung paano dapat tratuhin si Romualdez. /Bistado


