Nanguna ang Cebu Pacific sa domestic at international passenger market sa Pilipinas sa unang anim na buwan ng 2026, batay sa datos ng Civil Aeronautics Board (CAB).
Mula January hanggang June, nakapagtala ang Cebu Pacific ng 9.03 milyong domestic passengers habang 976,005 naman ang isinakay ng subsidiary nitong CebGo.
Sa pinagsamang 10.01 milyong pasahero, nakuha ng Cebu Pacific at CebGo ang 57.6 porsiyento ng kabuuang domestic passenger traffic sa bansa.
Samantala, nakapagtala ang Philippine Airlines (PAL) ng 2.31 milyong domestic passengers habang 4.26 milyon naman ang isinakay ng PAL Express.
Umabot naman sa 2.3 milyon ang domestic passengers ng Philippines AirAsia.
Mas maliit na bilang ang naitala ng AirSWIFT Transport at Sunlight Express Airways na may 176,335 at 92,846 pasahero, ayon sa pagkakasunod.
Nanguna rin ang Cebu Pacific sa mga Philippine carrier pagdating sa international flights.
Umabot sa 3.41 milyon ang international passengers nito sa unang kalahati ng taon, bahagyang mas mataas sa 3.39 milyong naitala ng PAL.
Pumangatlo ang Philippines AirAsia na may 584,476 international passengers, habang nakapagtala ang PAL Express ng 20,234 at Royal Air Charter Services ng 301.
Gayunman, mas malaki pa rin ang pinagsamang bahagi ng mga foreign airline sa kabuuang international passenger market.
Sa 15.27 milyong international passengers, nasa 7.9 milyon o 51.5 porsiyento ang isinakay ng foreign carriers. Nasa 7.4 milyon o 48.5 porsiyento naman ang bahagi ng mga lokal na airline.
Sa kabuuan, umabot sa 32.7 milyon ang domestic at international air passengers sa Pilipinas mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.
Mas mataas ito ng 1.23 porsiyento mula sa 32.3 milyong pasaherong naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Naitala ang bahagyang paglago sa passenger traffic sa gitna ng geopolitical tensions na patuloy na nakaaapekto sa travel demand. /Bistado


