Naging very vocal si Lotlot de Leon nang sagutin niya ang tanong ni King of Talk Boy Abunda sa Fast Talk sa GMA 7 tungkol kay Jericho Rosales.
Si Jericho ang matagal ng boyfriend ng anak niyang si Janine Gutierrez simula ng magkatrabaho sila sa isang teleserye.
“Napakabait, disente at mabuting tao,” tugon ni Lotlot sa tanong ni Kuya Boy kung boto ba siya sa aktor bilang karelasyon ng anak.
“Janine is of age. Never naman akong nangialam sa kanyang buhay pag-ibig eversince. Pero dahil nakilala ko, nakatrabaho at nakasama ko si Echo, mas nakilala ko siya. Noong ligawan niya at maging sila ni Janine, wala akong nakita na dapat kong tutulan. Botong-boto ako sa kanya, ” pahayag pa ni Lotlot.
Naikuwento din ng magaling na aktres na naging bahagi na ng kanilang weekend family gathering si Echo at lalo na daw niyang nakita ang pagiging makapamilya ng aktor noong mga panahong halos sunod-sunod ang pinagdaanan ng kanilang pamilya sa mga usaping “namatayan at pagdadalamhati.”
Although desisyon pa din umano ng anak kung ang aktor na ang magiging kapalaran nito sa pagbuo ng sariling pamilya, “of course I have nothing but support. Ang sinasabi ko lang ay boto na ako kay Jericho.”


