Isang sanggol na dalawang buwan pa lamang nang mamatay at mga pangalan ng ilang matagal nang pumanaw ang tumugma sa mga tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) habang bineberipika ang listahan ng mga umano’y tumanggap ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Inilahad ito ni PSA Assistant National Statistician Marizza Grande nitong Lunes, Setyembre 7, sa ika-22 araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Grande, 2,669 pangalan ng mga umano’y payee ang isinailalim sa beripikasyon ng PSA.
Sa bilang na ito, 1,685 ang walang nakitang katugmang birth, marriage o death record sa database ng ahensya.
Lumabas din sa pagsusuri na may 37 pangalan na tumugma sa mga taong nakatalang patay na pagsapit ng 2023, habang 25 naman ang tumugma sa mga menor de edad.
Kabilang dito ang pangalang Marlin Sunga, na lumitaw bilang umano’y signatory sa isang acknowledgment receipt. Batay sa death certificate na nakita ng PSA, dalawang buwan lamang ang edad ni Sunga nang mamatay noong Nobyembre 1965.
“Based po kasi sa death certificate po niya, two months pa lang ay namatay na po siya,” paliwanag ni Grande.
Ipinakita rin sa paglilitis ang acknowledgment receipts na nakapangalan kina Fortunato Salig para sa P200,000, Emilio Sagan para sa P70,000 at Rodolfo Traya para sa P120,000.
Ayon sa PSA records na inilahad ni Grande, may mga death certificate na tumutugma sa mga pangalang ito. Ang mga rekord ay may petsang Hunyo 2011 para kay Salig, Hulyo 2015 para kay Sagan at Mayo 2021 para kay Traya.
May 20 menor de edad din umanong tumugma ang mga pangalan sa listahan ng OVP at lima naman sa listahan ng DepEd batay sa kanilang birth certificates.
Gayunman, nilinaw ni Senate Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na hindi pa napapatunayang ang mga taong nasa PSA records ay siya ring mismong mga indibidwal na nakapangalan sa acknowledgment receipts.
Sumang-ayon si Grande sa paglilinaw at iginiit na ang mapatutunayan lamang ng PSA records ay may mga taong may kaparehong pangalan na nakatalang ipinanganak, ikinasal o namatay. /Bistado


