BACOLOD CITY – Naaresto ng pulisya ang 37-anyos na umano’y gunman sa fatal shooting sa Barangay Alijis, Bacolod City noong September 1 matapos ang isinagawang hot pursuit operation.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), ang suspek na kinilalang alyas “Budoy,” residente ng Barangay Alijis, ay nahuli ng mga tauhan ng Police Station 7 ng Bacolod City Police Office.
Batay sa initial investigation, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang suspek at biktima sa Purok St. Vincent, Barangay Alijis.
Umalis umano ang suspek at nagtungo sa kanyang bahay para kumuha ng hindi pa natutukoy na baril. Bumalik umano siya sa lugar at ilang beses na pinaputukan ang biktima, na agad nasawi.
Tumakas ang suspek matapos ang pamamaril.
Agad na nag-deploy ng personnel ang Police Station 7 para imbestigahan ang insidente at inilunsad ang hot pursuit operation. Nakipag-coordinate din ang mga pulis sa Bacolod Forensic Unit para sa crime scene processing at forensic examination.
Natunton at naaresto ang suspek kalaunan ding araw sa Gardenville Subdivision.
Nasa kustodiya na siya ng Police Station 7 habang inihahanda ang kaukulang mga kaso. /Bistado


