Umabot na sa halos P10.8 billion ang pinagsamang pinsala sa infrastructure at agriculture dahil sa mga nagdaang tropical cyclones at Southwest Monsoon o Habagat.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa P7.78 billion ang tinatayang infrastructure damage sa Ilocos Region, Cordillera, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, at Western Visayas.
Nasa halos P3 billion naman ang agricultural damage sa pinakahuling NDRRMC tally, na sumaklaw sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, at Western Visayas.
Sa report ng Department of Agriculture (DA), 86,466 farmers ang naapektuhan sa 74,809 hectares ng agricultural land, na may kabuuang production loss na 87,745 metric tons.
Sa mga apektadong lupain, 53,114 hectares o 71 percent ang may posibilidad pang makarekober, habang 21,695 hectares o 29 percent ang wala nang pagkakataong makarekober.
Pinakamalaki ang pinsala sa palay na umabot sa P1.90 billion, katumbas ng 59,872 metric tons na nawala sa 67,921 hectares.
Sumunod ang high-value crops na may P1.03 billion na damage, kabilang ang vegetables, fruits, spices, at iba pang crops.
Umabot din sa 3,851 ang damaged houses sa Ilocos Region, Cordillera, Central Luzon, National Capital Region, Calabarzon, Mimaropa, at Western Visayas.
Para sa recovery, nakapagpamigay na ang DA ng P609.79 million na halaga ng agricultural inputs, kabilang ang seeds, planting materials, at mahigit 9,000 bags ng rice.
Naglabas din ng P35.67 million na insurance indemnities para sa mahigit 5,000 insured farmers. Available rin ang zero-interest loans na hanggang P25,000, payable sa loob ng tatlong taon, sa ilalim ng Survival and Recovery Program.
Patuloy din ang monitoring ng DA sa commodity prices at transport support para maiwasan ang price gouging at matiyak na makarating ang pagkain sa mga pamilihan.
Nagpapatuloy pa ang field assessments kaya posible pang madagdagan ang damage figures sa mga susunod na ulat. /Bistado


